Hinimok ni Senador Raffy Tulfo ang Commission on Human Rights (CHR) na tulungang makakuha ng hustisya ang mga mahihirap na persons deprived of liberty (PDLs) na humaharap sa pekeng akusasyon na ibinintang sa kanila ng mga awtoridad, partikular na ng mga pulis.
Sa naganap na pagdinig ng Senate Committee on Finance para sa 2025 budget ng CHR, sinabi ni Tulfo na regular siyang nakakatanggap ng mga reklamo ukol sa mga tao na napagdiskitahan ng mga pulis at nakukulong sa bilanguan dahil wala silang pambayad ng piyansa.
Dagdag pa ni Tulfo, ang mga inosenteng PDLs na ito ay tumatagal din sa bilangguan dahil napakraming kliyente ng mga abogadong may hawak sa kanilang kaso mula sa Public Attorney’s Office (PAO).
Bilang resulta, ang kanilang mga pagdinig sa korte ay madalas na ipinagpapaliban at naaantala.
Nang hingan ni Tulfo, bigo ang CHR na magpresenta ng data ukol sa bilang ng mga inosenteng PDLs na kanilang natulungang makalaya sa kulungan at ang mga abusadong awtoridad na matagumpay na nalitis at nahatulan sa korte pagkatapos ng kanilang monitoring
Inatasan naman ni Tulfo si CHR Chair Atty. Richard Palpal-latoc na imbestigahan ang mga kaso ng PDLs na maling inakusahan ng mga awtoridad at makipag-ugnayan sa mga abogado ng PAO upang matiyak ang mabilis na hustisya para sa kanila.