Inirekomenda ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kaso laban sa dalawang Chinese citizen na sina Qin Ren Guo at Jiang Shi Guang dahil sa pagkakasangkot nila sa ilegal na aktibidad ng POGO hub sa Porac, Pampanga.
Nag-ugat ang kaso sa inihaing reklamo ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group-Anti-Organized Crime Unit at mga complainant na sina Zhang Tie Zhu at Yu Zhou Jing.
Sa 14 na pahinang resolusyon na inilabas noong August 30, 2024, inirekomenda ng prosecution team ng DOJ ang paghahain ng Qualified Trafficking laban kay Guang, at Kidnapping for Ransom laban kay Guo.
“Mayroong prima facie na ebidensya na may makatwirang katiyakan ng paghatol upang kasuhan si Juang Shi Guang at ang mga hindi kilalang employer ng pribadong nagrereklamo para sa kwalipikadong trafficking,” sabi ng reso.
“With the existence of all the elements of the crime, respondent Qin Ren Guo and his cohorts should be indicted for Kidnapping for Ransom,” dagdag nito.
Kasama sa panel ng mga prosecutor na lumagda sa resolusyon sina Assistant State Prosecutor Honey Rose Delgado, Prosecution Attorney Ma. Lara Dominique Sanchez, Deputy State Prosecutor Olivia Laroza-Torrevillas, at Senior Deputy State Prosecutor Richard Fadullon.