Resolusyon ni Padilla, pinuri ang tauhan ng BRP Teresa Magbanua

Nagbigay pugay si Senator Robin Padilla sa mga tauhan ng BRP Teresa Magbanua, na tiniis ang limang buwang hirap at panliligalig para panatilihin ang presensya ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Sa kanyang Senate Resolution 1202, pinuri ni Padilla ang tauhan ng BRP Teresa Magbanua dahil sa kanilang napakahalagang ambag para panindigan ang soberenya ng Pilipinas.

“The crucial and immeasurable contribution of the officers and crew of the BRP Teresa Magbanua should be recognized and commended,” aniya sa kanyang resolusyon na ihinain niya nitong Martes ng gabi.

Nitong Abril, pinadala ng Philippine Coast Guard ang BRP Teresa Magbanua para subaybayan ang reclamation activities ng Tsina sa West Philippine Sea, at panatilihin ang presensya ng Pilipinas doon.

Sa kabila ng panliligalig at pananakot ng barko ng Tsina – kasama ang pagbangga ng barko ng Chinese Coast Guard – hindi umalis ang BRP Teresa Magbanua sa lugar.

Kabilang sa insidente ng CCG ang pagharang sa rotation and reprovisioning missions, kung kaya’t napilitan ang tauhan ng BRP Teresa Magbanua na mabuhay sa lugaw, pinakulong tubig ulan, at patak mula sa airconditioning system ng BRP Teresa Magbanua.

Napilitan ang BRP Teresa Magbanua na umalis sa Escoda Shoal noong ika-15 ng Setyembre at bumalik sa Puerto Princesa Port dahil sa masamang panahon, pag-ubos ng mga gamit, at pinsala sa barko – bukod sa kondisyong medikal ng tauhan nito.

“Resolved, as it is hereby resolved, that the Senate of the Philippines commends and lauds the brave men and women of the Philippine Coast Guard on board the BRP Teresa Magbanua for their dedication and commitment to protect the sovereign rights of the Philippines over the West Philippine Sea,” giit ni Padilla.