Budget cut sa DMW inalmahan

Nagpahayag ng pagkabahala si OFW Partylist Rep Marissa Magsino sa malaking 32.4 % na tapyas  sa 2025 budget ng Department of Migrant Workers (DMW).

Sa kanyang interpelasyon sa budget deliberation ng DMW sinabi ni Magsino na noong 2023 ay P5 bilyong pondo ang ibinigay sa DMW, noong 2024 ay ginawang  P7.52 bilyon subalit ngayong 2025 ay  P5.09 bilyon pondo ang inilalaan sa ahensya na nasa 32.4% na pagbaba. 

“Nakakalungkot isipin na sa halip na mas palakasin pa ang DMW upang matugunan ang lumalaking bilang ng mga OFW na nade-deploy sa iba’t ibang panig ng mundo, mukhang pinapahina pa ito sa pamamagitan ng malaking bawas sa budget. Patuloy ang pagdami ng ating mga kababayan na nangingibang-bansa upang magtrabaho at kasabay ng pagtaas ng bilang na ito ay pagtaas din ng pangangailangan para sa suporta at proteksyon mula sa ating pamahalaan,” paliwanag ni Magsino. 

Sinabi ni Magsino na dahil sa budget cut ay tiyak na maraming serbisyo at programa ng DMW ang maapektuhan, una na dito ang pangangailangan ng pagtatayo ng mga Migrant Workers Offices (MWOs) sa mga foreign posts.

Iipinunto ni Magsino ang malaking pangangailangan na magkaroon ng MWO para matugunan ang pangangailangan ng mga OFWs.

Aniya, sa kanyang pagbisita sa mga host countries tulad ng Singapore, Saudi Arabia, at UAE ay kitang kita ang kakulangan ng manpower sa mga MWO gayong daan-daang libo ang mga OFW.

“Sa Singapore mayroon lamang silang apat na plantilla items at pitong local hires para sa halos 200,000 na OFWs. Ang manpower ratio ng MWO staff sa ating mga OFW ay 1:18,000. Kung ganito kaunti ang mga plantilla items na bibinigay sa DMW para gampanan ang kanilang tungkulin para sa ating mga OFW, kabilang na ang Assistance to National functions, talagang mapipilay ang DMW sa pagtalima sa kanilang mandato ” ani Magsino.

Kasabay nito, umapela si Magsino sa Kongreso bna pagtuunan ng pansin ang pangangailangan ng mga OFW at tiyakin ang sapat na pondo ng DMW at Overseas Workers Welfare Administration lalo na sa pangangailangan sa financial at legal assistance, repatriation, at suporta sa kanilang mga pamilya. 

“nananawagan ako sa Kongreso na dagdagan pa ang pondo ng DMW. Ang karagdagang pondo ay simbolo ng ating suporta sa mahigit 6 na milyong OFWs. Ito ay maliit na halaga kumpara sa 37.2 bilyong US dollars o halos 2.75 trillion pesos na kanilang kontribusyon sa ating ekonomiya” pagtatapos pa nito.