Pia Cayetano, nagsulong ng long-term strategies para sa healthcare

Pinamunuan ni Senador Pia Cayetano, Senior Vice Chair para sa Finance, ang hearing tungkol sa panukalang 297.6 bilyong 2025 budget ng Department of Health (DOH) nitong Martes.

Bilang dating chairperson ng Senate committee on health and demography sa loob ng siyam na taon mula 2004, at ng Health Budget sa loob ng limang taon, binigyang-diin niya ang pangangailangan na tutukan ang preventive healthcare at isulong ang healthy lifestyle sa mga Pilipino.

Hinimok din niya ang DOH na iwasan na ang panandaliang mga solusyon at pagtuunan ang pagbabalangkas ng pangmatagalang estratehiya para sa national healthcare na naaayon sa Sustainable Development Goal (SDG) 3 tungkol sa “Good Health and Well-Being.”

“We cannot just save lives at the last minute,” ani Cayetano. “What are we doing to help more people enter their senior years in a healthy state of mind and body?”

Sa gitna ng hearing, nakatanggap ang Subcommittee ng update tungkol sa ilang mahahalagang inisyatiba sa imprastraktura ng kalusugan na natapos noong 2023, na isinulong ng Senador sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program (HFEP) ng DOH – kabilang ang pagkumpleto ng 1,531 bagong pasilidad tulad ng mga superhealth center at tertiary hospitals, medical equipmemnt tulad ng mammogram na may biopsy, at mga ambulansya.

Kabilang sa iba pang mahahalagang programa at proyektong sinimulan sa pamamagitan ng suporta ni Senador Cayetano ang Lung Transplant Program, Early Detection of Lung Cancer, at Biobanking sa ilalim ng Lung Center of the Philippines (LCP); ang Advance Comprehensive Center for Pediatric Brain and Spine Pediatric Cancer Center ng Philippine Children’s Medical Center (PCMC); at ang Digital Cardiac MRI at pag-upgrade ng Hospital Information System ng Philippine Heart Center (PHC), bukod sa iba pa.

Nagtanong din ang senadora tungkol sa iba’t iba pang mga isyung kinahaharap sa healthcare, kabilang ang nakabinbing health emergency allowances para sa mga healthcare workers at frontliners, mga delays sa pagpapatupad ng iba pang proyektong pang-imprastraktura sa kalusugan, mga update sa vaccination programs at reproductive health, at kakulangan sa healthcare workers.

Natalakay din ang pagpapalawig sa pondo ng PhilHealth, at ang isyu ng paglilipat ng sobrang pondo nito sa Bureau of Treasury.

Sa pagtatapos ng budget hearing, muling pinagtibay ng Senadora ang kanyang pangakong pagbutihin pa ang sistema ng healthcare sa bansa.

Binigyang-diin niya ang pangangailangan para sa isang paradigm shift mula sa reactive patungo sa proactive healthcare, at hinimok ang DOH at mga kaakibat na ahensya nito pagplanuhan ang mga pangmatagalan at sustainable na solusyon.

“Our goal should be to create a healthcare system that not only treats illnesses but actively promotes wellness,” pagtatapos ni Senadora Cayetano.