Marami ang nagulat nang humabol sa last day of filing ng certificate of candidacy (COC) noong October 8 ang aktor na si Raymond Bagatsing o Ramon San Diego Bagatsing III.
Tatakbo si Raymond for mayor ng Manila habang for vice mayor ang running mate na si Pablo Dario “Chikee” Gorosin Ocampo, sa ilalim ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kapwa galing sa kilalang angkan ng mga politiko sa lungsod ang dalawa. Si Raymond ay apo ng pinakamatagal naging Manila Mayor Ramon D. Bagatsing Sr.
Si Chikee naman ay anak ni yumaong Congressman Pablo Villaroman Ocampo at kapatid ni six-term Congresswoman Sandy Ocampo ng 6th district.
Ayon sa dalawa, nagkasundo silang magsanib pwersa upang maibalik ang dangal ng Maynila– bilang sentro ng oportunidad at progreso at lungsod na may pagmamahal sa bayan at disiplina sa pamumuno.
Sa tanong kung paano nila tatapatan ang pondo at makinarya ng mga katunggaling sina incumbent Mayor Honey Lacuna at nagbabalik na ex-mayor at presidential candidate na si Isko Moreno, simple lang ang sagot ni Bagatsing:
“Puso para sa tao katapat ng pondo.”
Inamin din ng aktor na bagama’t mahal niya ang pag-aartista, uunahin niya ang paglilingkod sa mga Manileno sa sandaling maluklok siya sa puwesto.