Korte Suprema pabor sa Gloria Maris sa alitan sa trademark

Idineklara ng Korte Suprema na labag sa batas ang pagpaparehistro ng Gloria Maris trademark sa ilalim ng pangalan ng isa sa mga incorporator ng Gloria Maris restaurant imbes na sa pangalan ng restaurant mismo.

Sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Maria Filomena Singh, ipinag-utos ng Third Division ng Korte Suprema ang pagkansela sa Certificates of Registration sa pangalan ni Pacifico Lim ng trademark na Gloria Maris. Ang trademark ay binubuo ng mga salitang “Gloria Maris” na may shark’s fin na nakapaloob sa isang plato na hindi regular ang hugis.

Ayon sa korte, may bahid ng “bad faith” ang pagpaparehistro ni Lim sa trademark dahil alam niya, bilang incorporator, director at shareholder ng kumpanya, na mahigit 10 taon nang ginagamit ng Gloria Maris ang trademark bago pa man niya ito iparehistro sa ilalim ng kanyang pangalan noong 2005.

Nairehistro ang Gloria Maris bilang kumpanya noong 1994 sa Securities and Exchange Commission. May lima itong incorporator kasama na si Lim.

Ang “bad faith” sa konteksto ng pagpaparehistro ng trademark ay nangangahulugang alam ng aplikante na may nauna na sa paglikha, paggamit, o pagpaparehistro ng isang kapareho o katulad na trademark.

Maaaring dahilan ito sa pagkansela ng rehistro dahil sa “unfair competition” o di patas na kompetisyon na isang paglabag sa Intellectual Property Code.