Nauwi sa talo ang panalo ni former three-division champion John Riel Casimero ng Pilipinas laban kay Saul Sanchez ng Mexico.
Ito’ y makaraang i-ban ng isang taon si Casimero ng Japan Boxing Commission (JBC) sa pagkabigong maabot ang 122-pound super bantamweight limit sa ten-round bout nila ni Sanchez noong nakaraang Linggo.
Si Casimero, 35, ay overweight ng isang kilo nang magtimbang Sabado o isang araw bago ang nakatakdang laban. Binigyan siya ng dalawang oras upang magpababa ng timbang subalit nang bumalik ay 123 pounds siya.
Sa kabila nito, itinuloy ang laban at dinispatsa ng Pinoy ang kalabang Mexican sa unang round lang.
Subalit hindi nagtagal ang pagbubunyi ni Casimero dahil agad siyang pinarusahan ng JBC sa hindi pagsunod sa tamang timbang, kaya isang taon siyang hindi makakalaban sa Japan.
Sa kasalukuyan, si Casimero na may fight record 34-4-1 at 23 knockouts ay nasa ilalim ng Japanese outfit Treasure Boxing Promotion.
Huling dalawang laban ng Pinoy champ ay parehong sa Japan– kontra Yukinori Oguni na nauwi sa technical draw, at Saul Sanchez na natapos sa technical knockout. (Larawan mula kay John Riel Casimero)