APC nais maging prayoridad sa 2025 budget ang mga programa kontra stunting

Nanawagan si Senador Alan Peter Cayetano na bigyang prayoridad sa pambansang budget ng susunod na taon ang mga programang tutugon sa child stunting o pagkabansot.

Diin kasi ng senador, ang pamumuhunan sa kalusugan ng mga batang Pilipino ang magbibigay ng “best return on investment” sa bansa.

“The best return of investment, peso to peso, is to prevent stunting,” pahayag ni Cayetano sa unang araw ng deliberasyon sa plenaryo ng 2025 General Appropriations Bill sa Senado noong Nobyembre 6, 2024.

Ayon sa World Health Organization, ang isang bata ay stunted o bansot kapag masyado itong maliit para sa kanyang edad dahil sa malnutrisyon, paulit-ulit na impeksyon, at kakulangan sa psychosocial stimulation.

Ani Cayetano, mawawalan ng saysay ang iba pang mga proyekto ng gobyerno tulad ng pabahay at pangkabuhayan kung hindi naman lalaki nang tama ang mga batang Pilipinong dapat na makikinabang sa mga ito.

“Kung y’ung bata ay stunted, gaano man kaganda ang housing project mo, livelihood projects or whatever, hindi ito makakapagbigay ng returns kasi once na stunted na, para mo nang tinigil doon [ang kanilang development] at hindi madaling i-continue ‘yon,” wika niya.

Bababa rin aniya ang gastusin ng gobyerno kung walang mga batang bansot at magiging produktibong miyembro sila ng lipunan.

“We’ll spend less kung zero ang stunted sa atin kasi they’ll be more productive as they grow older,” wika niya.

Tingin ni Cayetano, hindi lubos na nababatid ng Department of Health at iba pang kaugnay na ahensya ang pangmatagalang epekto ng stunting sa ekonomiya kaya hindi sila naglalaan ng sapat na pondo para labanan ito.

“If we go to the programs of all the departments, ang gaganda ng mga programa but that’s not our question. You might be hit the target pero mali target mo,” wika niya

“Aanhin natin ang P6 trilyong budget kung one-third, one-fourth, o one-fifth ng iyong populasyon ay bansot o bansot,” dagdag niya.

Sumang-ayon kay Cayetano si Finance Committee Chair Senator Grace Poe, na nagpresenta ng budget sa plenaryo.

“It’s good to have free college education, free feeding programs in public elementary schools, but I think we should also focus more now on babies, toddlers, and pregnant mothers if we are to arrest the long-term effects of stunting,” pahayag ni Poe.

Ayon kay Poe, P17.1 billion ang panukalang budget para sa feeding program at P1.8 billion naman para sa First 1000 Days, pero “masyadong mababa” ito kumpara sa maraming iba pang mga programa para sa kabataan.

“Ang binabayad natin sa tertiary education nasa P56 billion. Pero hindi aabot ang marami sa kanila doon kung hindi sila naalagaan habang bata pa,” wika niya.

Bilang solusyon, hinimok ni Cayetano ang mga kapwa senador at mga departamento na bumuo na ng mga programang pang-nutrisyon ng mga bata mula prenatal hanggang limang taong gulang para maisama ito sa 2025 national budget.

“The good news is, it (stunting) is concentrated in some areas [in the country] so we can actually have interventions in those areas,” punto niya, kasabay ng pagmungkahi na bigyang atensyon ang pagtatayo ng health center sa mga barangay na mataas ang stunting rate.

Iminungkahi din niya na idagdag ang anti-stunting sa mga criteria ng Department of Budget and Management sa pagsuri nito ng mga isinusumiteng panukalang budget ng mga ahensya.

“Maybe for the 2027 budget, we can have that as an additional criteria ng DBM on specific projects like 4Ps, MAIP, and AICS,” pahayag ni Cayetano.