PhilHealth Board lang makakabawi ng accreditation ng mga healthcare professional: SC

Tanging ang Board ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at hindi ang presidente nito ang may kapangyarihan na bawiin ang PhilHealth accreditation ng mga health care professional, ayon sa Korte Suprema.

Sa isang Desisyon na isinulat ni Justice Ramon Paul L. Hernando, sinabi ng Supreme Court First Division na labag sa batas ang ginawa ng PhilHealth sa pagbawi nito sa accreditation ni Dr. Jose Maro Del Valle Galaruan.

Base sa nakalap na impormasyon ng fact-finding department ng PhilHealth, sinertipikahan umano ni Dr. Galauran, sa ngalan ng WellMed Dialysis and Laboratory Center Corporation, na ang pasyenteng si Bebian Albante ay sumailalim ng dialysis kahit namatay na siya noon pang July 16, 2016.

Ang PhilHealth, bilang administrador ng National Health Insurance Program, ang nagtatalaga ng mga requirements at nag-iisyu ng guidelines para sa accreditation ng mga health care provider.

Pero sinabi ng Korte na ang National Health Insurance Act at ang implementing rules nito ay hindi nagbibigay sa presidente ng PhilHealth ng anumang quasi-judicial na kapangyarihan sa pagbawi o pag-alis ng accreditation. Ang kapangyarihan na ito ay maaari lamang gamitin ng PhilHealth Board sa pamamagitan ng mayoryang boto ng mga miyembro nito.

Ipinaliwanag ng Korte na magkaibang proseso ang aplikasyon para sa accreditation at pagbawi sa PhilHealth. Bagamat maaaring iresolba ang mga aplikasyon ng presidente ng PhilHealth, ang PhilHealth Board lamang ang maaaring umaksyon sa pagbawi o pag-alis ng mga accreditation.

Idinagdag pa ng Korte na hindi napatunayan ng PhilHealth na may ginawang mali si Dr. Galauran. Napag-alaman din ng Korte na ang attending physician ni Albante ay hindi si Dr. Galauran at hindi rin sya ang naghanda ng report para kay Albante.