Aegis lead vocalist pumanaw na

Namaalam na ang lead vocalist ng Aegis band na si Mercy Sunot. Edad 48 lang siya nang bawian ng buhay matapos sumailalim sa operasyon sa California, USA. 

Si Mercy  ay na-diagnose na may stage 4 breast at lung cancer, ngunit sa kabila nito ay matapang niyang hinarap at nilabanan ang kanyang sakit.

 “Buong puso naming ibinabahagi ang balita ng pagpanaw ni Mercy, isa sa mga minamahal na bokalista ng Aegis band.

Matapang niyang nilabanan ang kanyang sakit na cancer ngunit ngayon ay nakatagpo na ng kapayapaan at kapahingahan,” FB post ng banda.

Sa kanyang huling Tiktok video, ibinahagi ni Mercy na siya ay sumailalim sa operasyon sa baga at nasa intensive care unit matapos siyang mahirapang huminga.

“Tapos na ‘yung surgery ko sa lungs. Pero biglang nahirapan akong huminga, so dinala ako sa ICU. May tubig, may inflammation sa lungs ko, so, ginagawan na nila ng paraan,” sabi ng sikat na Aegis vocalist.

Sa video ay sinabi niyang binigyan siya ng doktor ng steroid para tulungan siyang huminga at kasunod ay humingi siya ng dasal.

“Ipag-pray n’yo ko please para matapos na itong pagsubok na ito. Pag-pray n’yo ako,” sambit ni Mercy sa kanyang vlog.

Last November 8 ay dumalo pa siya sa show ng veteran singer na si Eva Eugenio sa Hayward, California at pinagbigyan ang hiling ng fans na kumanta siya. 

Sa interbyu naman ng ABS-CBN News, ipinagtapat ni Mercy na pitong buwan na siyang nasa US kung saan siya nagpapagamot. Dagdag niya, maayos naman ang kanyang reaction sa chemotherapy. 

Ngunit November 16 ay nag-request siyang lumipad pabalik sa Pilipinas, ayon sa kanyang kaibigan na nakabase sa California. Subalit hindi siya pinayagan ng doktor na bumiyahe dahil sa maselang kalagayan niya.

Kinabukasan (Nov. 17), nahirapan siyang huminga kaya muling naospital hanggang nagkaro’n ng multiple organ failure at tuluyang namatay.

Si Mercy, kasama ang mga kapatid na sina Juliet at Kris Sunot, ay kabilang sa sikat na Aegis band.