Walang plano si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone baguhin ang kasalukuyang line-up ng national basketball team.
Binubuo ang Gilas core nina Justin Brownlee, Kai Sotto, June Mar Fajardo, Dwight Ramos, Scottie Thompson, Chris Newsome, Calvin Oftana, CJ Perez, Japeth Aguilar, at young guns Carl Tamayo, Kevin Quiambao, at Mason Amos.
Desidido si Cone gamitin ang same group of players sa national team pool lalo’t marami na silang napatunayan simula nang tanggapin ng Barangay Ginebra tactician ang role bilang interim coach ng Gilas noong October 2023.
Opisyal naging head coach si Cone ng Gilas noong January 2024. Sa ilalim ng most titled Philippine Basketball Association (PBA) coach, gumawa ng sunod-sunod na historic victories ang Gilas Pilipinas tampok ang Asian Games gold medal nito na tumapos sa 61-year drought ng bansa.
Unang beses din tinalo ng national squad ang Latvia sa FIBA Olympic Qualifying Tournament noong July 2024, na first-ever win ng mga Pinoy laban sa isang European team makalipas ang 64 taon.
Sa malas ay natalo ang Gilas sa Brazil sa semifinals.
Sa kasalukuyan, imakulada pa rin ang Pilipinas matapos walisin ang first and second windows ng 2025 FIBA Asia Cup Qualifiers.
Tinalo ng Gilas world no. 2 New Zealand, 93-89, bago isinunod ang Hong Kong, 93-54, para sa perpektong 4-0 record sa Group B.