Tinanggap ng Senate Committee on Finance ang panukala ni Senador Win Gatchalian na dagdagan ng P300 milyon ang pondo para sa mga textbooks at learning materials.
Sa ilalim ng Committee Report ng Senado sa panukalang 2025 national budget, P300 milyon ang nadagdag sa P12.4 bilyong una nang inilaan sa mga textbooks at iba pang learning materials. Saklaw ng naturang pondo ang mga textbooks ng mga mag-aaral sa Grade 3 at mga manual para sa guro. Matatandaang inaprubahan na kamakailan ng Senado ang pinal na bersyon nito ng panukalang 2025 budget.
“Nagpapasalamat ako sa Senate Committee on Finance sa pag-apruba ng dagdag na P300 milyon para sa pagbili ng mga textbooks at iba pang gamit sa pagtuturo,” ani Gatchalian.
Gayunpaman, binigyang diin ni Gatchalian na maliban sa pagdaragdag ng pondo sa mga textbooks at learning materials, mahalaga rin aniyang ayusin ang proseso ng pagbili ng mga textbooks upang matiyak na may kumpletong mga aklat ang bawat mag-aaral.
Lumabas sa Year One report ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na mula 2012 hanggang sa nakaraang taon, 27 lamang sa 90 textbook titles ang nabili para sa mga mag-aaral ng Grade 1 hanggang Grade 10. Lumabas din sa naturang ulat na mga mag-aaral ng Grade 5 hanggang Grade 6 lang ang may kumpletong textbooks para sa lahat ng mga subject. Pinuna rin ng Komisyon ang mababang budget utilization ng mga textbooks at iba pang instructional materials. Sa mahigit P12.6 bilyong nilaan mula 2018 hanggang 2022, P4.47 bilyon (35.3%) lamang ang na-obligate at P951.9 milyon (7.5%) ang na-disburse.
Kabilang sa mga isyu ng pagbili ng mga textbook ang kakulangan sa panahon ng paglikha ng mga textbooks, mataas na participation costs, matagal na proseso ng pag-review, at iba pang mga usapin na may kinalaman sa presyo. Sa ngayon ay umaabot sa humigit-kumulang tatlong taon ang pagbili ng mga textbooks na dapat sana’y inaabot lang ng 180 na araw.
“Mahalagang dagdagan natin ang pondo para sa mga textbooks at magamit ito nang maayos upang matiyak na magkakaroon ng aklat ang bawat mag-aaral. Patuloy nating isusulong ang mga reporma tungo sa dekalidad na edukasyon,” dagdag na pahayag ni Gatchalian.