Dahil sa ‘sorry’ aktor umurong sa demanda

Hindi na itutuloy ni Mon Confiado ang kasong isinampa laban sa isang content creator na nagpakalat ng mga gawa-gawang kuwento tungkol sa kanya.

Ayon sa aktor, maraming beses nang humingi ng tawad sa kanya ang content creator na si Ileiad o Jeff Leanneroie Bonilla Jacinto sa totoong buhay, maging ang ina nito.

Lagi raw nagme-message sa kanya ang mag-ina at sinasabing mahirap lamang sila at walang kakayahang kumuha ng abogado.

“Dahil busy naman ako at dahil siya ay humingi na rin ng paumanhin, at yung nanay napakaraming messages na humihingi sa akin ng tawad, humihingi ng sorry. Mahirap lang daw sila, wala silang pambayad ng abogado.” 

Nagsampa ng cyberlibel si Mon laban sa content creator noong August matapos itong mag-joke at palabasing magnanakaw umano ang aktor.

Iginiit ni Mon, hindi magandang biro ang ginawa ni Ileiad kaya sinampahan niya ito ng kaso upang bigyan ng leksyon ang content creator.

Pero naawa ang aktor sa ina ni Ileiad kaya inatras niya ang kaso. “Saka ‘di naman ito malaking kaso,” katwiran niya.

“Kumbaga ang bottom line lang naman ay makapagbigay ng awareness na hindi naman tayo dapat ginagamit,” dagdag ni Mon.