Sinabi ni Senador Win Gatchalian na tiyak ang pagpapatuloy ng rural electrification program ng gobyerno o pagpapailaw sa mga kanayunan kasunod ng kalalagda pa lamang na national budget para sa 2025.
“Umaasa tayo na ang paglalaan ng pondo para sa National Electrification Administration o NEA para sa 2025 ay makakatulong bilang bahagi ng pagkumpleto sa rural electrification program ng gobyerno,” sabi ni Gatchalian bilang reaksyon sa paglagda ng Pangulo ng 2025 General Appropriations Act (GAA) na nagpapahintulot ng spending program ng gobyerno na P6.352 trilyon.
Sa ilalim ng inaprubahang national budget, ang NEA ay magkakaroon ng subsidiya mula sa gobyerno na P1.87 bilyon para magbigay ng kuryente sa may 22,000 kabahayan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng strategic rural electrification nito.
Nauna nang sinabi ng NEA na ang hindi sapat na subsidiya na nanggagaling sa gobyerno ang pinakamalaking hamon sa pagkamit ng 100% rural electrification sa bansa.
Ayon kay Gatchalian, tinatayang 4.214 milyong kabahayan sa buong bansa ang wala pa ring kuryente noong Hunyo 2023. Target ng gobyerno na maabot ang kabuuang electrification sa bansa pagsapit ng 2028.
Habang umuusad ang limang taong plano para makamit ang 100% electrification sa 2028, kailangang tiyakin ng gobyerno na makakamit ang naturang target sa pamamagitan ng budgetary support, diin ng senador.
Ayon sa kanya, ang pag-unlad ng ekonomiya, partikular na sa mga probinsiya, ay mahirap makamit kung walang kuryente dahil ito ay isang pangunahing dahilan para makaakit ng mga mamumuhunan at pati na operasyon ng mga micro at small business enterprises. “Ang kuryente ay isang pangunahing pangangailangan ng mga negosyo na kailangan natin sa mga malalayong lugar para makapagbigay ng trabaho at para sa tuloy-tuloy na pag-unlad ng ekonomiya, aniya.
Noong 2023, ang electrification sa bansa ay nasa 89%, na tumaas sa 91% ngayong taon. Batay sa limang taong plano sa elektripikasyon, layon ng gobyerno na pataasin ang coverage sa 94% sa 2025, 97% sa 2026 at makamit ang 100% sa 2027.
Noong Agosto 2024, nagawang tapusin ng NEA ang pagbibigay ng kuryente sa 1,153 na mga sitio sa pamamagitan ng subsidiya ng gobyerno.