Sa resumption ng sesyon ng Senado sa January 13, Lunes, hinikayat ni Senador Lito Lapid ang kanyang mga kasamahang Senador na aprubahan na ang panukala nyang ideklara bilang national historical-cultural heritage zone ang Quiapo sa Manila city.
Salig sa Senate Bill No. 1471, tinukoy ni Lapid na malaki ang naging bahagi ng Quiapo sa paghubog at paglinang ng ating kasaysayan, tradisyon, sining, kultura, turismo, relihiyon at ekonomiya. Ayon kay Lapid, chairman ng Senate Committee on Tourism, malaki ang ambag ng Quiapo sa turismo, religious beliefs, tradisyon at kultura na syang sentro noon ng kalakalan bago pa dumating ang mga dayuhang mananakop, gaya ng mga Kastila, Hapones at Amerikano.
“Dahil kinikilala natin ang kahalagahan ng Quiapo sa ating kultura at kasaysayan, at di matatawarang ambag sa pambansang kaunlaran, dapat lamang ipakita ng pamahalaan ang kanyang pagpapahalaga dito sa pamamagitan ng pagtakda sa Distrito ng Quiapo bilang isang Historical and Cultural Heritage Zone,” diin ni Lapid, gumaganap na Supremo(Primo) sa FPJ’s Batang Quiapo.
Sinabi ni Lapid na hinango ang pangalang “Quiapo” mula sa “Kiapo”(scientific name: stratioles pistia), isang klase ng water lily na kahawig ng repolyo na karaniwang nakikita sa estero ng Maynila bago pa sakupin ng mga Español ang Pilipinas. Nang dumating ang Franciscan missionaries sa Maynila, itinatag nila ang Minor Basilica of the Black Nazarene na kung saan nakalagak ang rebulto ni Nuestro Padre Jesus Nazareno na dinarayo ng mga deboto tuwing Enero a-9 at ipinagdiriwang ang kapistahan nito. Nang dumating ang mga Augustinians, nagtayo rin sila ng St. Sebastian church. Dito rin matatagpuan ang Globo de Oro o ang kauna-unahang mosque, Masjid Al-Dahab ng mga kapatid nating Islam.
Ang Quiapo rin ang nagsilbing saksi ng kasaysayan, kabilang na ang Plaza Miranda bombing na ikinasugat ng ilang senatorial candidates noong August 23, 1971.
Matatagpuan din sa Quiapo ang mga koleksyon ng historic homes at iba pang antigong istruktura.
Sa isang blog ni Pio Andrade Jr., tinalakay nya ang American colonial period kung saan naging sentro ang Quiapo ng news publishing, tulad ng El Renacimiento at Philippines Free Press. Sinabi ni Lapid na layunin ng kanyang bill na muling buhayin ang Quiapo bilang sentro ng ekonomiya, paglikha ng mga bagong recreational facilities, at iba pang adventure opportunities, habang pinangangalagaan at pinipreserba ang heritage and cultural integrity ng distrito. (Larawan kuha mula sa https://rcam.org/quiapo-church-is-phs-29th-national-shrine/)