Robin, itinulak ang online access sa Sharia courts

Para sa kapakanan ng mga Pilipinong Muslim, itinulak ni Sen. Robin Padilla nitong Miyerkules ng gabi ang online o paperless access nila sa mga Sharia courts.

Sa kanyang sponsorship speech para sa Committee Report 237 na naglalaman ng Senate Bill 2613, iginiit ni Padilla na oras na para tugunan ang 15 taong hamon sa epektibong pagsusumite ng dokumento sa korte ng Muslim.

“Dahil po dito, bahagi ng panukang susog sa R.A. No. 9997 ay pagbuo ng digital platform upang mapayagan na po ang paperless filing ng mga pangkaraniwang mga dokumento sa Shari’ah Courts tulad ng marriage certificate, birth certificate, death certificate, pleadings and other court submissions. Sa hakbanging ito ay magiging kaakibat po natin ang isa sa mga ahensya ng pamahalaan: ang Department of Information and Communications Technology o DICT,” aniya.

“Naniniwala po akong isang mabisang hakbangin ang panukalang ito upang maisabay sa modernisasyon ng mga proseso at operasyon ng Korte,” dagdag niya.

Ani Padilla, may inisyatibo ang Kataastaasang Hukom na Strategic Plan for Judicial Innovation 2022-2027.

Ipinunto din ni Padilla ang hamon ng kakapusan ng resources at limitadong access sa pagfile at pagsusumite ng mga Pilipinong Muslim sa mga Shari’ah Courts.

“Dahil dito, simple lamang po ang ating kahilingan – ang bigyan ng legal na kapangyarihan ang Bureau of Legal Affairs upang makapaghatid ng administratibong tulong sa ating mga kababayan,” aniya.

Tiniyak ni Padilla na hindi ito magdudulot ng kalituhan o kaguluhan ang batas na ito sa regulasyon ng Korte.

Nagmungkahi din siya ng koordinasyon sa pagitan ng Philippine Statistics Authority at National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) para sa datos tungkol sa pamayanan ng Muslim mula sa lebel ng nasyunal, rehiyon, probinsya, siyudad at mga bayan.