Jinggoy, nais na gawing pangunahing international filming at tourism destination ang PH

Itinutulak ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang pagsusulong sa bansa bilang pangunahing destinasyon ng mga international screen productions bunsod ng kakayahan ng mga pelikula at palabas sa telebisyon na palakasin ang turismo, lokal na ekonomiya at pag-unlad ng komunidad.

“Hindi maikakaila ang kapangyarihan ng mga pelikula at programa sa telebisyon na gawing tanyag na tourist attraction ang mga karaniwang lokasyon,” ani Estrada sa kanyang Senate Bill No. 2857 o ang panukalang Film Philippines Act.

Ipinapanukala ng SB 2857 ang pagbuo ng isang Film Philippines Office (FPO) upang pangunahan ang promosyon ng bansa bilang lokasyon para sa produksyon ng mga international film at TV programs batay sa isang komprehensibong plano.

“Nasaksihan natin ang pagdagsa ng turista sa Mount Kiltepan sa Sagada matapos itampok ito sa pelikulang ‘That Thing Called Tadhana.’ Gayundin ang likas na kagandahan ng Batanes na ipinakita sa ‘You’re My Boss’ at ang mga strawberry farm at kabundukan ng Benguet sa palabas na ‘Forevermore’ ay naging paboritong destinasyon ng marami. Maging ang sand dunes ng Ilocos ay tumatak na sa mga tagahana ng mga tinaguriang klasikal na pelikulang ‘Panday’ at ‘Himala’,” sabi ng batikang mambabatas.

Sinabi ng lider ng Senado na dapat samantalahin ng gobyerno ang pag-usbong ng mga streaming platforms at paggamit ng social media upang ipakita ang kagandahan ng mga tanawin, dalampasigan at makasaysayang lugar sa Pilipinas sa pandaigdigang manonood.

“Panahon na para makipagsabayan tayo sa ibang bansa na nag-aalok na ng mga kaakit-akit na mga insentibo tulad ng tax relief at rebates, pagkakaroon ng modernong imprastruktura gaya ng state-of-the-art studios, fully-equipped post-production facilities at film-friendly environment para sa mamumuhunan,” dagdag ni Estrada.

Layon ng SB 2857 ang pagbibigay ng cash rebates, multiple visa entries at tax breaks sa mga dayuhang produksyon na pipiliin ang Pilipinas bilang lokasyon ng kanilang shooting.

Sa ilalim nito, aatasan din ang FPO na magtatag ng isang one-stop shop para mapabilis ang pagproseso ng mga insentibo, aplikasyon para sa mga lisensya, clearance, permit ng mga lokal at banyagang produksyon ng pelikula at telebisyon.

Sa paglikha ng globally competitive environment para sa paggawa ng pelikula sa pamamagitan ng pagbibigay ng insentibo at logistical support, titiyakin ng ipinapanukalang FPO ang pagkakaroon ng maayos na produksyon para sa mga mamumuhunan, ayon kay Estrada.

Dagdag pa niya, ang nasabing panukalang batas na ito ay lilikha rin ng maraming trabaho para sa sektor ng turismo at industriya ng sining.