Korte Suprema: Mga foreign deposit account, hindi kasali sa papatawan ng estate tax

Ang mga foreign currency deposit account ay hindi kasali sa mga papatawan ng estate tax sa ilalim ng Republic Act No. (RA) 6426 o ang Foreign Currency Deposit Act of the Philippines.

Sa isang Desisyon na isinulat ni Associate Justice Ramon Paul L. Hernando, kinatigan ng First Division ng Korte Suprema ang hiling para sa refund ng binayarang estate tax na inihain ng estate ni Charles Marvin Romig, isang American national na nanirahan sa Puerto Galera, Oriental Mindoro.

Namatay si Charles noong 2011 nang hindi nag-iwan ng huling habilin. Nilipat ni Maricel Narciso Romig (Maricel), ang nag-iisang tagapagmana, ang pagmamay-ari ng mga ari-arian ni Charles sa kanyang sarili, kabilang ang isang dollar deposit account.

Sa pag-compute ng estate tax, hindi naisama ni Maricel ang dollar deposit account kaya nagbayad siya ng dagdag na PHP 4.56 milyon para maisama ito. Pero kalaunan, humingi siya ng refund dahil batay sa section 6 ng RA 6426, exempt ang foreign currency deposit account sa estate tax.

Tinanggihan ng Commission on Internal Revenue ang kanyang refund claim, dahil binawi na umano ng 1997 National Internal Revenue Code (NIRC) ang tax exemption sa mga dollar deposit account. Pero nagdesisyon ang Court of Tax Appeals (CTA) pabor kay Maricel.

Pinagtibay ng Korte Suprema ang desisyon ng CTA. Nilinaw ng Korte na ang isang pangkalahatang batas, gaya ng NIRC, ay hindi maaaring bawiin ang ipinagkaloob na tax exemption na ibinigay ng isang special law, tulad ng RA 6426, nang walang malinaw at tahasang probisyon sa pagpapawalang-bisa.

Dagdag pa ng Korte, dinisenyo ang RA 6426 para makaakit ng mga foreign investment sa pamamagitan ng pag-exempt ng mga foreign currency account mula sa lahat ng buwis.