Imee: Aanhin ang imported, eh mag-aani na?!

Umalma si Senadora Imee Marcos sa planong pag-angkat ng Department of Agriculture (DA) ng 4,000 metric tons ng sibuyas kahit nagsimula na ang anihan.

“Nagsisimula nang mag-ani ang ating mga magsasaka, pero eto na naman ang importasyon! Hindi pa ba tayo natuto? Tuwing may anihan, bagsak ang presyo! Bakit ngayon pa mag-iimport, na alam nating ikalulugi ito ng mga magsasaka?” buwelta ni Senadora Marcos.

“Hindi na kailangan ‘yang importasyon na ‘yan. Papahirapan pa natin ang ating mga magsasakang naghihikahos na?” banat pa ng senadora.

Giit niya, kailangang palakasin ang lokal na produksyon at wakasan ang hoarding na sumasabotahe sa presyo, gaya noong 2022.

“Puro tayo import, pero walang aksyon sa hoarding! Kahit tambak ang sibuyas, kung may nagtatago sa cold storage, tataas pa rin ang presyo!” dagdag niya.

Sa Pebrero 20 pa ang dating ng imported na sibuyas, panawagan ni Senadora Marcos: “Bago magpasok ng dayuhang sibuyas, siguruhing hindi pinapatay ang kabuhayan ng ating mga magsasaka!”