Pinuri ni Senador Alan Peter Cayetano nitong Miyerkules ang pag-apruba ng komite sa Enhanced Consumer Act of the Philippines, na nagbibigay ng kapangyarihan sa mga mamimili na mas maunawaan ang kanilang mga proteksyon at obligasyon kapag gumagamit ng mga produkto at serbisyo.
Inaprubahan ito bilang Senate Bill No. 2986 sa ilalim ng Committee Report No. 529 nitong February 5, 2025.
“More than 30 years na [since the Consumer Act was enacted into law]. [Outdated na kasi] noong 1992, halos wala pang e-commerce noon,” wika ni Cayetano bilang tagapangulo ng Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship.
Sinuportahan ng senador ang inisyatiba upang tulungan ang bansa na makasabay sa modernong komersyo at tumugon sa mga umuusbong na isyu sa merkado tulad ng mga online scam, pekeng produkto, at mapanlinlang na advertising.
“It’s important that we use the Senate floor [to emphasize] na may consequences ang unfair practices na ito,” sabi ng senador sa pagdinig ng panukala.
Nakapaloob sa Enhanced Consumer Act ang ilang pangunahing probisyon upang pahusayin ang proteksyon ng mamimili, kabilang ang standardized na pag-label ng mga produkto na may malinaw na best-before at expiration date.
Bukod dito, pinapalakas ng panukalang batas ang mga proteksyon laban sa pandaraya at hindi patas na mga gawain sa pamamagitan ng malinaw na pagtukoy sa mga ilegal na pamamaraan tulad ng mga pyramid at Ponzi scheme, panloloko sa telemarketing, at mga scam na nakabatay sa teknolohiya.
Sinabi ni Cayetano na ang mga update na ito ay naglalayong paghusayin at pangalagaan ang mga mamimili ngayong nagiging komplikado ang merkado.
“This isn’t a cure-all, but let’s try to address these problems comprehensively because all of these are problems for our consumers,” wika niya.