Koko: Flexible work para sa obrero proteksyon sa mataas na heat index

Nanawagan si Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III sa mga employer na ipatupad ang flexible work arrangements o pansamantalang pahinga sa trabaho upang maprotektahan ang mga manggagawa mula sa matinding init ng panahon.

“Dapat nating tiyakin na ang kalusugan at kaligtasan ng ating mga manggagawa ay hindi isinasakripisyo,” ani Pimentel. “Ang kanilang kapakanan at kalusugan ay dapat laging pangunahing isinasaalang-alang.”

Ayon sa Department of Health (DOH), maaaring magdulot ng seryosong epekto sa kalusugan ang matinding init ng panahon.

Ang heat exhaustion ay nagdudulot ng matinding panghihina, sobrang pagpapawis, at pagkahilo.

Ang heat cramps naman ay sanhi ng matinding pagod at pagkawala ng electrolytes sa katawan, na nagdudulot ng pananakit ng kalamnan.

Pinakamapanganib naman ang heat stroke, kung saan maaaring tumaas nang husto ang temperatura ng katawan, magdulot ng pangangatog, kawalan ng malay, at posibleng ikamatay kung hindi agad naagapan.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), patuloy ang pagtaas ng heat index sa iba’t ibang bahagi ng bansa, na naglalagay sa mga outdoor at field workers sa mas mataas na panganib.

“May mga pamilya silang umaasa sa kanila. Kung palalabasin pa sila sa matinding sikat ng araw ay maaaring magdulot ng panganib sa kanilang buhay at kaligtasan,” dagdag pa ng senador.

Iminungkahi rin ni Pimentel na pag-aralan ang mga hakbang na ginagawa sa ibang bansa, tulad ng United Arab Emirates, kung saan may limitasyon sa oras ng trabaho tuwing matinding init.

Bilang solusyon, maaari umanong ipatupad ang flexible work arrangement, tulad ng pagpapaikli ng oras ng trabaho sa labas, pagbibigay ng sapat na pahinga, at kung maaari, ang work-from-home setup para sa mga empleyadong hindi kinakailangang lumabas ng opisina o trabaho.

Hindi sapat na bigyan lang ng pahinga ang mga manggagawa mula sa kanilang trabaho. Dapat tiyakin ng mga employer na may aktwal na silungan laban sa matinding init—hindi lang basta pahinga, kundi maayos na lilim o lugar na may bentilasyon kung saan ligtas at komportableng makakapagpahinga ang mga manggagawa, binigyang-diin ni Pimentel.

“Dapat magkaroon ng pagpupulong o koordinasyon ang Department of Labor and Employment sa pribadong sektor upang ipatupad ang katulad na polisiya.

Kailangang may pansamantalang pahinga sa trabaho o sapilitang rest period kapag umabot na sa mapanganib na antas ang heat index,” ani Pimentel.

Bahagi ito ng programa ni Pimentel sa Marikina na tinatawag na BTS o Baha, Trabaho at Sapatos, kung saan isinusulong niya ang kapakanan ng mga manggagawang Marikenyo.

Kasama sa mga itinutulak ni Pimentel ang mga polisiyang tutugon sa mga suliraning kinakaharap ng sektor ng paggawa sa lungsod.