Chinese-Filipinos, pinayuhang mag-ingat sa kidnapping

Hinimok ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang mga Chinese-Filipino sa Pilipinas na maging mapagmatyag sa kanilang paligid at agad na iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad.

“Yung kidnapping nararamdaman din yan. Pag may nararamdaman, dapat nirereport kaagad. Halimbawa, yung may nakikita na silang sasakyan, nirereport na kaagad sa pulis yan. Tapos magti-take note ng plate number,” ayon kay PAOCC Director Undersecretary Gilbert Cruz sa ginanap na Meet the Manila Press forum.

Sinabi ni Cruz na ang kidnapping ay kadalasang may kasamang pagbabanta. “Pag ‘yung may mga threat, dapat nirereport din. Doon kasi nagsisimula yan e, sa threat,” aniya.

Pinayuhan din niya ang mga Chinese-Filipino na palitan ang kanilang ruta sa pagbiyahe at magpalit ng sasakyan paminsan-minsan upang makaiwas sa posibleng pagdukot.

“Importante ang pag-iingat at saka advanced thinking,” sabi ni Cruz.

Kinumpirma ng Philippine National Police noong Huwebes na natagpuang patay sa Rodriguez, Rizal sina Filipino-Chinese businessman Anson Que, may-ari ng Elison Steel sa Valenzuela City, at ang kanyang driver sa Rodriguez, Rizal. Dinukot umano sila sa Bulacan noong Marso 29.

Ang kanilang mga bangkay ay inilagay sa isang nylon bag at binalutan ng duct tape ang kanilang mga mukha. (Larawan kuha mula sa https://columbuscriminaldefenseattorney.com/kidnapping/kidnapping-abduction/)