Abogado ni Alice Guo kakasuhan ng DOJ

Ikinokonsidera ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng disciplinary case laban sa mga abogado ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Sa isang panayam sa media, sinabi ni Undersecretary Nicholas Felix Ty na walang duda na ang counter-affidavit sa kasong human trafficking na isinampa laban kay Guo ay “peke.”

Si Elmer Galicia, ang abogadong nag-notaryo ng counter affidavit, ay nagsabing nilagdaan ni Guo ang dokumento noong Agosto 14, isang buwan matapos umano siyang umalis ng Pilipinas.

“For sure, meron kaming kasong ihahain sa Korte Supreme na displinary case para dun sa possible misbehavior ng mga abogado,” ayon kay Ty.

“Para sa amin, wala naman duda eh, peke ang counter-affidavit. Hindi dapat tinutularan yung mga ganyang mga galawan ng mga abogado kasi baka maging hudyat yan sa ibang abogado na balewala yung mga paglilitis namin dito,” dagdag pa niya.

Noong nakaraang linggo, inaprubahan ng mga prosecutor ng DOJ ang pagsasampa ng mga kaso laban kay Guo at ilang iba pa para sa qualified human trafficking dahil sa diumano’y pagkakasangkot ng mga ito sa ni- raid na Bamban POGO hub na nauugnay sa cybercrime, kidnapping, torture, at human trafficking.