Ayaw tantanan ng mga intriga sina Anthony Jennings at Maris Racal. Matapos pagpiyestahan ang kanilang umano’y pagtataksil sa dati nilang karelasyon na sina Jam Villanueva at Rico Blanco, nag-viral naman ngayon ang FB post ng isang nagpakilalang “tita” ng aktor.
Sina Jam at Maris pa lang ang nagsalita hinggil sa kinasasangkutan nilang kontrobersya, pero ngayon ay pumalag na ang isang kapamilya ni Anthony na si Merilyn Olofsson.
Dinepensahan ni Merilyn ang kanyang pamangkin matapos ilantad sa socmed ng ex-girlfriend nito na si Jam ang screenshot ng aniya’y panloloko ng MaThon (Maris at Anthony), na patuloy nakatatanggap ng hate comments mula sa bashers.
Sa post ng tita ni Anthony, ipinahayag niya na buong-buo pa rin ang suporta niya sa pamangkin. Iginiit niyang tao lang ang binata na nagkakamali rin.
Dagdag ni Merilyn, “tanging si Lord lang ang may karapatang humatol kay Anthony.”
Naunang humingi ng tawad si Maris sa publiko at sa lahat ng mga nasaktan niya. Umibig lamang umano siya at napaniwalang hiwalay na sina Anthony at Jam.
Sa kabila nito marami pa rin ang namba-bash sa actress kaya paisa-isang umurong ang endorsements niya, pati ang sa MaThon loveteam.
Hindi naman nakaligtas sa batikos si Jam mula sa fans ng dalawang Kapamilya talent. Ngunit masaya umano siya dahil para na rin siyang nakaganti sa ginawang panloloko sa kanya nina Anthony at Maris.
Hanggang sa kasalukuyan naman ay nananatiling tikom ang bibig ng isa pang “biktima” sa pag-iibigan ng MaThon na si Rico Blanco, ex-boyfriend ni Maris.