Ibinalik ng Korte Suprema ang arrest warrant at hold departure order laban kay Dalia Guerrero Pastor, asawa ng pinatay na kilalang racer na si Ferdinand “Enzo” Pastor, matapos pagtibayin ng Korte ang resolusyon ng prosekusyon na nakakita ng sapat na basehan o probable cause para sampahan si Dalia ng kasong parricide sa pagpatay kay Enzo.
Sa Desisyon na isinulat ni Associate Justice Amy Lazaro-Javier, binaliktad ng Second Division ng Korte Suprema ang desisyon ng Court of Appeals (CA) na isinantabi ang kasong kriminal laban kay Dalia.
Sinabi ng Korte Suprema na sa pagdeklarang may probable cause, kailangan lang ng ebidensya na nagpapakita na mas malamang na may krimen na naganap at sangkot ang mga suspek. Hindi kailangan ng ebidensya ng guilt beyond reasonable doubt.
Ayon sa Korte Suprema, may sapat na ebidensya na nagpapakitang co-conspirator o kasabwat si Dalia sa pagpatay kay Enzo. Ito ay batay sa mga testimonya ng dating kasambahay nina Enzo at Dalia, ng gunman, at ng gun-for-hire na unang kinausap ni Dalia at ng kanyang karelasyon para patayin si Enzo, pero tumanggi dahil hindi sila nagkasundo sa presyo.
Taong 2014 nang barilin ng isang lalaki ang tanyag na race car driver na si Enzo Pastor habang lulan ng minamanehong sasakyan na nakahinto sa panulukan ng Visayas Avenue at Congressional Avenue, papuntang Clark, Pampanga.