Bilyon-bilyon ginagastos para protektahan si Alice Guo?

Naniniwala si Justice Secretary Boying Remulla na bilyon-bilyon ang ginagastos para protektahan ang tinanggal na mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo.

“I have no idea. But, I guess it would be in the billions,” pahayag ni Remulla sa isang panayam noong Huwebes.

“Marami siyang support na talagang, ewan ko kung saan nanggagaling,” dagdag pa niya.

Nang tinanong kung siya ay nilapitan upang tulungan si Guo, negatibo ang naging sagot ni Remulla.

“Hindi yan nature ko. At saka, kilala ako ng tao, walang makakalapit sa akin,” aniya.

Nauna nang ibinunyag ni dating senador Panfilo Lacson na ang kanyang kaibigang Filipino-Chinese ay inalok umano ng P1 bilyon para tulungan si Guo sa kanyang mga problemang legal.