Nagsalita na si Vice Ganda hinggil sa demolition job sa It’s Showtime.
Matapang na sinabi ni Vice may gustong sumabotahe sa kanilang noontime show. Kung anu-ano raw intriga ang nagsisilabasan tungkol sa kanilang programa at sa mga host simula nang magprepara sila para sa ‘Magpasikat’ portion na taun-taon nilang ginagawa.
Malapit na ang ika-15 anibersaryo ng It’s Showtime na ang current hosts ay sina Vice Ganda, Cianne Dominguez, Lassy Marquez, Jackie Gonzaga, Darren Espanto, Karylle, Ogie Alcasid, Vice, Ion Perez, Vhong Navarro, Kim Chiu, Jhong Hilario, Ryan Bang, Jugs Jugueta at Anne Curtis.
May lumabas na balitang hanggang December 2024 na lang daw sa GMA-7 ang programa matapos magsimulang umere sa Kapuso network noong April 6. May intriga rin naghiwalay sina Vice at Ion dahil sa umano’y nabuntis ng huli ang dancer/co-host nilang si Jackie, na pinabulaanan na ang tsismis.
Dahil sa hindi matapus-tapos na mga isyu sa kanilang programa, nagsalita na si Vice para sa buong grupo.
“Well, there really was or there really is a demolition job against It’s Showtime. Pero hindi naman natin sasabihin kung kanino nanggagaling yun.
“Yung ginagawa sa social media, demolition job yun, hindi ba? Yung mga trolls, demolition job yun, e. Meron silang masamang intensiyon at balak kaya demolition job yun.
“Maaaring kami ay may kakayahan o nasa isang posisyon na gustong maranasan at makuha din ng iba. At para makuha nila yun, kailangan nilang subukan yung ganung ruta. Kailangan nating gumawa ng ganoong paraan baka sakaling mabasag at makuha natin kung anong meron sa kanila,” giit ni Vice.
“We just have to deal with it and we just have to keep on going. Ang maganda kasi, we are surrounded by great people, wonderful management, alam na alam nila kung paano kami tutulungan, i-guide, at itatayo.
“Kaming lahat, sa dami ng pinagdaanan namin, I believe that our team is strong enough to be able to battle all these negativities, all these challenges and threats together.”
Inamin naman ni Vice, “It will be hard kung hindi kami magkakasama. Kaya yun ang lagi naming pinananatili at tinatawid. Kailangan magkakasama tayo, kasi kung isa-isa lang, manghihina tayo at baka hindi tayo magtagumpay.
“That is the essence of the strength of this team. We are one, together, against and for everything,” sabi pa ni Vice.