Balak ng Department of Justice na magpadala ng grupo sa Malaysia para imbestigahan kung paano nakaalis ng ilegal si Alice Guo, ang napatalsik na alkalde ng Bamban, Tarlac.
“We may have to send a team to Malaysia to follow up on the origin of the aircraft that brought Alice Guo to Kuala Lumpur. ‘Yan ang mahalaga,” sabi ni Secretary Boying Remulla sa isang media interview noong Huwebes.
Mahalaga aniya na dapat malaman kung anong eroplano ang ginamit upang dalhin si Guo at ang kanyang mga kasama sa kabisera ng Malaysia.
“Ang aircraft ang mahalaga malaman natin. We have to find out what aircraft was used to leave the country and to bring their party to Kuala Lumpur,” ayon sa kalihim.
Unang sinabi ni Shiela Guo sa Senado na sila ay umalis ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagsakay sa bangka.
Ngunit, sinabi ni Immigration Commisioner Joel Viado sa isang pagdinig ng Senado na lumipad si Alice patungo sa Malaysa noong Hulyo 18, 2024.
“Nung una, sinabi ni Shiela Guo na sa banca sila sumakay. Ako na yung unang nagsalita na ang tingin ko hindi totoo. Eh para namang napatunayan naman natin na hindi totoo nangyari dito,” sabi ni Remulla.
Si Alice ay nahaharap sa kasong graft, qualified human trafficking, money laundering, at tax evasion dahil sa umano’y pagkakasangkot niya sa ilegal na offshore gambling operations.