Eya Laure out din sa Alas Pilipinas?

Hindi lang sa 2024-25 Premier Volleyball League season kundi maging sa Alas Pilipinas ay nanganganib na hindi makalaro si Ejiya “Eya” Laure.

Kasunod ito ng biglaang pagkalas niya sa Chery Tiggo Crossovers na ayon sa sources ay magkakaroon ng legal complications sa kanyang paglalaro.

Noong nakaraang linggo, si Eya, kanyang kapatid na si EJ Laure at si Buding Duremdes ay napaulat na umalis sa Chery Tiggo isang buwan bago magsimula ang All-Filipino Conference.

Ilang koponan ang nagpahayag ng interes na makuha ang 25-year old outside hitter at dating star player ng University of Santo Tomas na pinangunahan ang Crossovers sa back-to-back semifinal appearances sa PVL All-Filipino Conference. 

Ngunit sa ngayon ay malabong makalipat sa ibang PVL teams si Laure at tanging paraan lang ay kung papayag ang Chery Tiggo sa isang buyout.

Hindi nakalaro ang former PVL Best Outside Spiker sa Reinforced Conference ngayong taon dahil sa Alas Pilipinas team stints niya kung saan gumanap siya ng mahalagang papel upang masungkit ang magkakasunod na bronze medals sa SEA V.League series.

Ngunit maging ang paglalaro ni Laure sa national team ay posibleng maapektuhan dahil sa kinahaharap na gusot sa kanyang pro career, giit ng ilang league sources.