Sanib-pwera ang OPM Icons at hitmakers sa matagumpay na concert-style awards night ng 16th Star Awards for Music ng Philippine Movie Press Club na ginanap October 27 sa Carlos P. Romulo Auditorium RCBC Plaza, Makati City.
Pinangunahan ang okasyon ni Mr. Pure Energy Gary Valenciano, nagpasabog ng enerhiya sa paghataw niya sa kanyang mga sikat na hit songs sa loob ng 40 years ng kanyang career.
Madamdamin ang Gabi ng Parangal kay Gary na tumanggap ng Pilita Corrales Lifetime Achievement Award para sa kanyang malaking kontribusyon sa music industry. Ayon kay Gary, espesyal ang award na ipinangalan sa Asia’s Queen of Songs, na kabilang sa mga unang nagbigay ng oportunidad sa kanya sa industriya.
Bago ang parangal kay Gary ay binigyan muna siya ng tribute ng kaibigan niyang si Ice Seguerra, na inawit ang classic hit na Sana Maulit Muli.
Isa pang award ang iginawad kay Gary kasama si Gloc-9 para sa Collaboration of the Year sa kanta nilang Walang Pumapalakpak.
Malaki rin ang pasasalamat ng veteran music producer, musical director, at arrranger na si Homer Flores na ginawaran ng Parangal Levi Celerio Lifetime Achievement Award. Aniya, ito ang kauna-unahang lifetime achievement award natanggap niya.
Bukod sa kanyang performance, naghatid din ng aliw si Ogie Alcasid sa mga manonood sa mga nakatutuwa niyang hirit gaya nang tanggapin niya ang award ng kanyang misis na si Regine Velasquez-Alcasid, nanalong Female Concert Performer of the Year para sa Regine Rocks.
Naging seryoso naman si Ogie nang tanggapin ang parangal bilang Male Recording Artist of the Year. Pinuri niya ang PMPC sa patuloy na pagbibigay-parangal sa mga OPM artists at composers.
Present ang ilang awardees na nag-perform sa concert-style awards night tulad nina Gloc-9 (Rap Album of the Year), Christian Bautista (Male Concert Performer of the Year), Jed Madela (Male Concert Performer of the Year), Kris Lawrence (Male R&B Artist of the Year at Male Shining Personality of the Night), BILIB (New Male Group Artist of the Year), at Maymay Entrata (Novelty Song of the Year – Autodeadma).
Dumalo rin para tanggapin ang kanilang award sina Maki (Male Pop Artist of the Year), Flow G (Rap Artist of the Year) at Inner Voices (Isasayaw Kita – Inspirational Song of the Year).
Hindi nakarating sa awards night ang Kings of PPop na SB19 dahil kasabay ito ng kanilang konsiyerto.
Humakot sila ng awards kabilang ang Song of the Year (Gento), Album of the Year (Pagtatag under Sony Music Philippines), Duo/Group Concert Performers of the Year (Pagtatag World Tour – Manila leg), at Dance Recording of the Year (Gento).
Nagsilbing hosts sa Gabi ng Parangal sina Atasha Muhlach, Jameson Blake, Andre Paras, at Heaven Peralejo. Mga awardee rin ang mga host – Atasha (New Female Recording Artist of the Year at Female Shining Personality of the Night), Jameson (Male Face of the Night), at Heaven (Female Star of the Night).
Ang 16th Star Awards for Music ay inorganisa ng mga opisyal at miyembro ng PMPC sa pangunguna ng pangulo nitong si Rodel Ocampo Fernardo, katuwang ang Airtime Marketing ni Tess Celestino-Howard. Sa direksyon ni Eric Quizon, mapapanood ang kabuuan ng awards night sa November 9, Sabado, 10:15 p.m. sa A2Z.