Ipinanawagan ni Senador Win Gatchalian ang pagtatatag ng mga tahanan para sa mga matatanda o ‘home for the aged’ na pamamahalaan ng mga lokal na pamahalaan kasabay ng dumaraming inaabandonang senior citizens sa bansa. Isinusulong din niya ang kriminalisasyon ng pang-aabuso sa mga nakatatanda.
“Tignan natin ang posibilidad na magkaroon ng LGU-managed homes for the aged dahil napansin natin ang pagtaas ng mga kaso ng mga inabandonang matatanda,” pahayag ni Gatchalian sa National Commission of Senior Citizens. Kamakailan lamang ay dininig sa Senado ang panukalang pondo ng ahensya para sa 2025.
“Dumadami ang abandoned senior citizens at nakakalungkot na nakikita natin sila sa kalsada,” sabi ni Gatchalian. Sa kaso ng Valenzuela, kung saan nagmula ang senador, nakakabahala ang sitwasyon na nag-udyok sa local government unit na magtayo ng sariling tahanan para sa mga matatanda na pinangalanang Bahay Kanlungan.
Matatandaang naghain si Gatchalian ng Homes for Abandoned Seniors Act (Senate Bill No. 950) na naglalayong magtatag ng mga nursing home para sa mga matatanda na patatakbuhin ng Department of Social Welfare and Development, sa pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang LGU. Sa ilalim ng panukala, ang mga LGU ang inaasahang magtatayo ng mga nasabing pasilidad.
Nanawagan din ang senador na suportahan ang Senate Bill No. 816 na naglalayong gawing krimen ang pang-aabuso sa mga matatanda, kasabay ng pagtaas ng mga ulat ng pang-aabuso, pagsasamantala, at pagpapabaya sa mga senior citizens.
“Hinihimok ko ang komisyon na suportahan at itaguyod ang panukalang batas. Kailangan nating tulungan ang ating mga kababayang matatanda na napapabayaan ng kanilang mga pamilya,” ani Gatchalian.
Ipinakita ng mga pag-aaral na ang mga matatandang dumaranas ng pang-aabuso ay pinipiling manahimik na lang at tiisin ang kanilang sitwasyon. Sa isang case study na iniulat ng University of the Philippines-National College of Public Administration and Governance, nangunguna ang mga anak ng matatanda bilang pangunahing gumagawa ng pang-aabuso, na sinusundan ng asawa at apo.
Si Gatchalian ay isa sa mga co-author ng naturang panukalang batas na pinalawak ang saklaw ng Centenarian Act upang payagan ang mas maagang pamamahagi ng cash gift sa mga mamamayan na may edad 80, 90 at 100 taong gulang.