Ginebra reresbak kontra TNT sa Game 2


Inaasahang babawi ang Barangay Ginebra Gin Kings sa TNT Tropang Giga Miyerkoles sa Game 2 ng PBA Governors’ Cup best-of-seven finals. 

Tinambakan ng TNT Tropang Giga ang Barangay Ginebra Gin Kings, 104-88, sa Game 1 noong Linggo sa Ynares Center, Antipolo.

Mainit nagsimula ang Tropang Giga na agad lumamang, 27-15, sa first quarter at itinuloy ito hanggang matapos ang first half, 43-37.

Ngunit hindi opensa kundi depensa ang nagpanalo sa Tropa, giit ni head coach Chot Reyes.

“There’s no secret to our game. It’s really our defense. I thought our defense really won us the game tonight.” 

Umabot sa 20 points, 89-69, ang abante ng TNT sa nalalabing 7:31 minuto sa fourth period matapos magsalaksak ng 10 points si Rey Nambatac.

Sa kanyang first PBA finals appearance ay nagsalansan si Nambatac ng 18 points, 10 rebounds, seven assits at two steals.

Si TNT import Rondae Hollis-Jefferson ay nagambag ng 19 points, 10 rebounds, four assists, three blocks at steal, habang si Poy Erram ay may 15 points para sa Tropang angat na sa serye, 1-0.

Sa Ginebra nanguna si Justine Brownlee sa kanyang 23 points, at si Japeth Aguilar ay may 14 markers.