Bilang tugon sa mga hamon na kinakaharap ng mga komadrona sa Pilipinas, may ginawang panukalang batas si Senador Imee R. Marcos upang pagtibayin at paunlarin ang kanilang propesyon, lalo na sa pampublikong sektor at malalayong komunidad.
“Ang ating mga komadrona ang kadalasang inaasahan sa mga malalayong Rural Health Units (RHUs) na mag-isang nagbibigay serbisyo sa mga kalapit komunidad na ang kanilang tanging tungkulin ay pagbutihin ang kalagayan ng mga ina at sanggol laban sa mga sakit,” ani Marcos.
Kabilang sa nasabing panukala ang pagtataas ng sahod at pagbibigay ng karagdagang suporta sa mga komadronang nagseserbisyo sa mga pampublikong ospital at health center. Layunin nitong mapaunlad hindi lamang ang propesyon kundi pati ang kalidad ng serbisyong ibinibigay nila.
Bukod dito, binanggit din ni Marcos ang kanyang Senate Bill No. 1724, na naglalayong magpatupad ng mga programa at patakarang magpapabuti sa kalusugan at kalidad ng buhay ng mga manggagawa, kabilang dito ang mga komadrona.
Matagal nang nananawagan ang mga komadrona ng mas mataas na kompensasyon, dahil sa hirap ng kanilang trabaho at kakulangan ng bilang sa propesyon na kadalasang nagdudulot ng burnout at labis na pagkapagod.
Base sa mga pag-aaral, ang tamang proporsyon ay dapat isang komadrona sa bawat 5,000 katao sa isang komunidad, ngunit dahil sa kakulangan, umaabot ito sa isang komadrona sa bawat 80,000 na katao.
Kamakailan lamang ang ika-50 anibersaryo ng Midwifery Week na nagsimulang ipagdiwang noong 1974 sa paglalagda ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos sa Proclamation No. 1275, na nagtatakda sa ikatlong linggo ng Oktubre para sa mga komadrona.