John tinawag na ‘fake news’ relasyon nila ni Barbie

Hindi nagustuhan ni John Estrada ang kumakalat na isyu sa social media na nag-uugnay sa kanila ng aktres si Barbie Imperial.

Nag-post ang aktor sa kanyang socmed account at nilagyan niya ng malaking “fake news” ang screenshot ng balitang may something sa kanila ng rumored girlfriend ni Richard Gutierrez.

Hindi raw niya alam kung paano ito nagsimula at kung kanino nanggaling.  

Esplika niya sa caption , hindi niya kilala ng personal si Barbie pero kilala niya ito bilang artista.

Sa talambuhay daw niya ay minsan lang niya itong nakita sa Christmas Special ng ABS-CBN noong 2021 o 2022 at yun na raw ang huli nilang pagkikita sa naalaala niya.

True naman na nagkasama sila sa seryeng pinagbibidahan ni Coco Martin na FPJ’s Batang Quiapo, pero ni minsan daw ay hindi sila nagkita dahil iba ang grupo, unit, at director nito.

Kaya mensahe ni John sa mga mahilig magkalat ng fake news, puwede na silang maging komedyante.

Mensahe naman niya sa mga online newspaper, tabloid o showbiz sites, sana ay mag-research muna at tiyaking tama ang ibabalita nila gaya ng pinagseselosan siya ni Richard.