Kamara, pinagpapaliwanag sa pagkaka-detine kay Ronelyn Baterna

Pinagpapaliwanag ng Korte Suprema si Rep. Robert Ace Barbers at iba pang mga kongresista kung bakit patuloy na naka-detine si Ronelyn Baterna.

Na-contempt si Baterna nang tumestigo siya sa hearing ng Committee on Public Order and Safety o ang tinatawag na Quad Committee kaugnay sa mga umano’y iligal na mga gawain ng Philippine offshore gaming operators.

Sinasabing si Baterna ang corporate secretary ng Lucky South 99.

Binigyan ang mga respondents ng 72 oras para magpaliwanag kung bakit hindi dapat maglabas ng writ of habeas corpus ang Korte at sampung araw naman para magkomento sa petisyon ng ama ni Baterna na palayain siya.

Matatandaan na ni-raid ng Presidential Anti-Organized Crime Commission, Philippine National Police, at iba pang ahensya ng batas noong Hunyo ang Lucky South 99, na pinaniniwalaang sangkot sa mga ilegal na gawain.