Kapamilya artists winner sa Star Awards for Music

Patok na OPM hitmakers ang agad bumandera sa partial list of winners sa 16th Star Awards for Music ng PMPC na gaganapin sa October 27 sa Carlos P. Romulo Auditorium RCBC Plaza sa Makati City.

Kabilang dito ang tinaguriang Kings of PPop na SB19 na ang hit song na “Gento” ay nanalong Dance Recording of the Year.

Wagi naman ang Ben&Ben ng Music Video of the Year para sa revival song nilang “The Way You Look At Me,” na ang music video ay idinirek ni Blasgil Tanquilut. Ang original singer ng naturang awitin na si Christian Bautista ay may special appearance sa music video tampok sina Barbie Forteza at David Licauco.

Panalo ng Collaboration of the Year sina Gary Valenciano at Gloc-9 sa kantang “Walang Pumapalakpak.” Nasungkit din ni Gloc-9 ang Rap Album of the Year para sa kanyang album na “Pilak.”

Siguradong masayang-masaya ang DonBelle fans dahil wagi ang kanilang mga idolo sa magkahiwalay na Pop categories. Si Donny Pangilinan ang Male Pop Artist of the Year para sa single niyang “Biglaan” kasama ang hitmaker na si Maki sa kantang “Saan” habang si Belle Mariano ang Female Pop Artist of the Year para sa awiting “Bugambilya.”

Nangabog naman sina Kim Chiu, Maymay Entrata at Vice Ganda sa Novelty categories. Si Kim Chiu ang itinanghal na Novelty Artist of the Year para sa kantang “Ms. Ukay” at Novelty Song of the Year ang “Rampa” ni Vice at ang “Autodedma” ni Maymay.

Pararangalan din ang multi-awarded hitmakers na sina Zack Tabudlo (Pop Album of the Year – 3rd Time’s A Charm); Moira dela Torre (Female Acoustic Artist of the Year – Eme); Juan Karlos (Rock Album of the Year – Sad Songs and Bullshit); KZ Tandingan (Female R&B Artist of the Year -Kailan Pa Ma’y Ikaw); at Kris Lawrence (Male R&B Artist of the Year – Buti Na Lang).

Dahil partial list of winners pa lang ang inilalabas ng PMPC, kaabang-abang kung sinu-sino pa ang mga mananalo sa iba pang mga kategorya. Maglalaban sa Song of the Year ang SB19 (Gento), BINI (Pantropiko), Juan Karlos (Ere), Zack Tabudlo (Gusto), Moira Dela Torre (Ikaw at Sila), Maki (Saan), at Lola Amour (Raining in Manila).

Nominado sa Male Recording Artist of the Year sina Bamboo, Billy Crawford, Christian Bautista, Erik Santos, Juan Karlos, Zack Tabudlo, at Ogie Alcasid.

Sina Regine Velasquez, Moira Dela Torre, Yeng Constantino, KZ Tandingan, Morisette, Julie Anne San Jose, Katrina Velarde, at Sarah Geronimo naman ang mga nominado sa Female Recording Artist of the Year.

Nakaka-excite rin kung sino ang mananalo sa Album of the Year, Duo/Group Artist of the Year, Male and Female Concert Performers of the Year, Duo/Group Concert Performers of the Year, at Concert of the Year.

Bibigyan naman ng espesyal na parangal ang industry icons na sina Mr. Pure Energy Gary Valenciano (Pilita Corrales Lifetime Achievement Award) at veteran music producer/musical director/arrranger Homer Flores (Levi Celerio Lifetime Achievement Award).

Ang 16th Star Awards for Music ay inoorganisa ng mga opisyal at miyembro ng PMPC sa pangunguna ng Pangulo nito na si Rodel Ocampo Fernardo, katuwang ang Airtime Marketing ni Tess Celestino-Howard at ididirehe ni Eric Quizon.

Magsisilbing hosts ng Gabi ng Parangal sina Atasha Muhlach, Jameson Blake, Andre Paras, at Heaven Peralejo. Mapapanood ang kabuuan ng awards night sa November 9, 10:15 p.m. sa A2Z.