SC: Dapat nasa tamang proseso ang pagpapataw ng telco rates

Hindi maaaring magpataw ang National Telecomunications Commission (NTC) ng bagong singil sa mga telecommunications companies nang hindi sumusunod sa tamang proseso ng batas o due process.

Ito ang naging pasya ng Korte Suprema nang ipawalang-bisa ang mga kautusan ng NTC.

Nagpatupad kasi ang NTC noong 2009 ng six-second-per-pulse billing scheme na nag-aatas sa mga telcos na singilin ang mga mobile phone users batay lamang sa aktwal na haba ng tawag.

Sa dating sistema, kada minuto ang singil kahit pa ilang segundo lang ang tawag.

Naglabas ang NTC ng “show cause and cease and desist orders” laban sa mga telcos.

Sa desisyon na isinulat ni Senior Associate Justice Marvic Leonen, isinantabi ng Korte Suprema ang mga naturang NTC Order dahil sa paglabag ng NTC sa due process ng mga telcos.

Sa Ilalim ng Public Telecommunications Policy Act, may kapangyarihan ang NTC na magpataw ng bagong singil pero dapat makatarungan at patas para sa parehong mga kustomer at telcos.

Dapat saklaw din nito ang gastos ng mga operasyon ng telcos batay sa datos na nakalap sa mga pagdinig at konsultasyon sa kanila.