Ipinagtibay ng Korte Suprema ang panukala ng Commission on Elections (COMELEC) na nagkansela sa party-list registration ng grupong An Waray.
Kinansela ng COMELEC ang registration ng An Waray bilang isang party list dahil pinayagan nito ang kanilang pangalawang nominado, si Victoria Noel, na umupo sa House of Representatives(HOR), kahit na ang An Waray ay may karapatan lamang sa isang pwesto sa ika-16 na Kongreso.
Iginiit ng An Waray na wala umanong hurisdiksyon ang COMELEC dahil ang House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) ang may hurisdiksyon sa mga kasong may kinalaman sa kwalipikasyon ng mga miyembro ng HOR.
Sa Desisyon na isinulat ni Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa,
sinabi ng Korte Suprema na sa ilalim ng Konstitusyon at ng Party-List System Act, ang COMELEC ang may eksklusibong hurisdiksyon sa pagdedesisyon sa pagkansela ng mga pagpaparehistro ng party-list.
Ang hurisdiksyon ng HRET ay limitado lamang sa mga isyu ukol sa halalan, mga resulta, at kwalipikasyon ng mga kasalukuyang miyembro ng HOR.
Hindi ang An Waray ang political organization na miyembro ng HOR, kundi ang kanilang nominado, si Noel. Kaya’t walang hurisdiksyon ang HRET sa An Waray.
Tama din ang pagkansela ng COMELEC batay sa Seksyon 6(5) ng Party-List System Act, na nagsasaad na ang paglabag sa mga batas, alituntunin, o regulasyon ng halalan ay isang dahilan para sa pagkansela ng pagpaparehistro ng isang party-list.
Sa kasong ito, natuklasan ng COMELEC na sa pamamagitan ng pagpapahintulot kay Noel na manatili sa kanyang pwesto sa ika-16 na Kongreso, ang An Waray ay lumabag sa National Board of Canvassers Resolution No. 13-030(PL)/0004-14 na nagdeklara na ang An Waray ay may karapatan lamang sa isang pwesto.