Hindi kailangan ng dokumentadong kasaysayan sa sakit sa pag-iisip para magamit ang legal insanity bilang depensa sa isang kasong kriminal.
Sa Desisyon na isinulat ni Associate Justice Alfredo Benjamin S. Caguioa, pinawalang-sala ng Third Division ng Korte Suprema ang isang akusado sa kasong homicide dahil sa pagkabaliw at ipinag-utos ang pagpasok sa kanya sa National Center for Mental Health para magpagamot.
Kinasuhan ang akusado matapos siyang matagpuan ng kanyang ama na hubo’t hubad, puno ng dugo, at bumibigkas ng mga religious phrase sa ibabaw ng walang buhay na katawan ng kanyang matalik na kaibigan. Sinabi ng akusado na inatake niya ang kanyang kaibigan matapos niya itong nakitang magpalit-anyo bilang demonyo. Narinig din umano niya ang boses ng Birheng Maria na nag-uutos sa kanya na maglagay ng krus sa puso ng biktima.
Guilty ang hatol ng Regional Trial Court (RTC) at Court of Appeals (CA), na tinanggihan ang kanyang depensa ng pagkabaliw. Ayon sa RTC at CA, dapat nasuri ang kanyang mental na estado bago, habang, at pagkatapos ng krimen.
Sa pagbaliktad ng desisyon, sinabi ng Korte Suprema na ang akusado ay nagpakita ng sapat na ebidensya ng pagkabaliw sa panahong nangyari ang krimen. Nilinaw nito na ang pagpapatunay ng legal insanity ay nangangailangan lang ng ebidensya na ang akusado ay pinagkaitan ng katalinuhan bago, habang, o pagkatapos ng krimen.
Sa ilalim ng Article 12 ng Revised Penal Code, ang isang tao na nakagawa ng krimen at napatunayang legal na baliw ay exempted sa criminal liability. Dagdag pa ng Korte, mahirap patunayan ang pagkabaliw sa eksaktong sandali ng krimen, kaya maaaring isaalang-alang ng mga korte ang pag-uugali ng akusado bago o pagkatapos ng insidente.
Nilinaw ng Korte na bagama’t maaaring may kaugnayan ang mga naunang medical record, hindi nila kailangang patunayan na ang kondisyong medikal ng akusado ang nagdulot sa krimen. Ang kawalan ng dokumentadong psychiatric history ay hindi dapat tingnan laban sa akusado na ginagamit ang legal na pagkabaliw bilang depensa.
Kinilala din ng Korte ang hindi pantay na pasanin para sa mga mahihirap na maaaring walang access sa psychiatric care. Binigyang-diin nito na ang mga legal na depensa ay dapat magagamit ng lahat.