Korte Suprema: Security guard di mananagot sa lisensyadong baril ng ahensya

Idineklara ng Korte Suprema na hindi maaaring managot ang isang security guard sa pagdadala ng baril na walang lisensya kung may makatwirang paniniwala siya na lisensyado ang naturang baril na inisyu ng kanyang ahensiya.

Sa Desisyon na isinulat ni Associate Justice Ricardo R. Rosario, pinawalang-sala ng First Division ng Korte Suprema ang isang guwardiya na kinasuhan ng unlawful possession of a firearm sa ilalim Republic Act No. (RA) 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Nahuli noong July 7, 2017 ang isang hindi naka-unipormeng security guard sa isang gasolinahan sa Pasay City dahil wala siyang maipakitang lisensya ng baril na dala niya.

Sa kanyang depensa, iginiit ng guwardiya na siya ay isang lisensyadong security guard. Patunay dito ang kanyang License to Exercise Security Profession (LESP) na inisyu ng Philippine National Police Civil Security Group Office. Mayroon din siyang Duty Detail Order (DDO) na nagsasaad ng kanyang assignment sa gasoline station at nagpapahintulot sa kanya na magdala ng baril na inisyu ng ahensya.

Dagdag pa nya, pinaniwala siya ng kanyang security agency na ang baril na inisyu sa kanya ay lisensiyado. Ipinaliwanag din niya na hindi niya suot ang kanyang uniporme noong gabing iyon dahil nakalimutan niya ang susi ng kanyang locker.

Bagama’t guilty ang hatol ng Regional Trial Court at ng Court of Appeals, binaliktad ito ng Korte Suprema. Sinabi nito na sa ilalim ng 1983 Implementing Rules and Regulations (IRR) ng P.D. No. 1866, ang mga guwardiya ng pribadong ahensya ng seguridad ay maaaring magdala ng mga baril sa lugar ng trabaho hangga’t pinahintulutan ng isang DDO.

Sa 2018 revised na implementing rules ng RA 10591, nakalahad na ang DDO mismo ang nagbibigay ng awtoridad sa isang security personnel na magdala ng agency-issued na baril sa kanyang assignment. Ang pag-isyu ng DDO ang siyang maaaring basehan na may mga kaukulang lisensya ang mga baril na nakalista sa order na ito.

Nilinaw ng Korte Suprema na maaaring panghawakan ng mga guard ang linggwahe ng DDO na ang mga nakalistang baril dito ay mga pawang lisensyado. Hindi na nila kailangang humingi sa security agency ng patunay na rehistrado nga ang mga baril.