Pinuri ni Senador Loren Legarda ang naging pasya na magkaroon ng ceasefire sa pagitan ng Israel at Palestinian group na Hamas, na mag-uumpisa bandang alas 8:30 ng umaga, local time sa Gaza.
Magwawakas na ang madugong bakbakan matapos ang 15 buwan, na kumitil sa tinatayang 47,000 buhay.
“Ito ay isang sandali ng pag-asa sa kabila ng isang trahedya. Labis ang sakit at pagdurusa na naranasan ng mga pamilyang nawalan ng mga mahal sa buhay, nasira ang mga bahay, at namuhay nang walang seguridad dahil sa karahasan. Tinatanggap ko ang development na ito at ako ay umaasang magiging totohanan ang ceasefire at hostage deal,” sabi ni Legarda.
Sa ilalim ng deal, 33 hostage ang pakakawalan ng Hamas sa susunod na anim na linggo kapalit ng daan-daang Palestinong nakapiit sa Israel.
Bilang tagapagtaguyod ng kapayapaan, patuloy na naging isang prominenteng tinig si Legarda sa Pilipinas, na nagsusulong para sa agarang tigil-putukan. Noong ang Pilipinas ay nag-abstain mula sa resolusyon ng UN noong Oktubre 2023 tungkol sa isang humanitarian truce sa Gaza, ipinahayag ni Legarda ang kanyang pagsuporta sa tigil-putukan, na nagpapakita ng kanyang dedikasyon sa mga prinsipyo ng kapayapaan at katarungan.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagiging tapat sa pagpapatupad ng ceasefire agreement at nanawagan sa global community na bantayang maigi ang pagpapatupad nito.
“Ang ceasefire na ito ay hindi dapat maging pansamantala lamang. Dapat itong makapagbigay-daan para sa humanitarian aid at makatulong sa pagbangon ng mga komunidad na naapektuhan ng giyera,” pahayag ng senadora.
“Maging pagkakataon sana ito upang makabangon nang tuluyan ang Gaza, at makabalik ang milyon-milyong nawalan ng tirahan.”
Sa Pilipinas, sinusuportahan ni Legarda ang isang food business na pinatatakbo ng pamilyang Filipino-Palestinian, na nakatagpo ng kanlungan sa bansa.
“Tinutulungan natin sila para masuportahan nila ang kanilang mga pangunahing pangangailangan habang sila ay nasa Pilipinas sa pamamagitan ng pagtangkilik sa ibinebenta nilang pagkain. Dahil dito ay nakatutulong tayo kahit papaano upang unti-unti silang makabangon dito sa ating bansa,” ani Legarda.
Nakikipagtulungan din ang senadora sa Refugees and Stateless Persons Unit ng Department of Justice (DOJ), na nagmo-monitor sa refugee status applications ng mga Palestinian.
“Ito ay bilang pagtupad sa obligasyon ng bansa bilang signatory sa 1951 Refugee Convention at 1967 Protocol nito. Nabibigyan natin ng dignidad at seguridad ang mga refugee dahil sa pagtalima natin dito,” ani Legarda.
Nagpasalamat din si Legarda sa pagtulong ng Qatar, Egypt, at Estados Unidos upang magkaroon ng ceasefire.
“Ang tigil-putukang ito ay isang matibay na paalala ng kung ano ang posibleng mangyari kapag ang international community ay kumilos nang may determinasyon. Marami pang dapat gawin, at dapat tutukan ang pagpapalakas ng mga komprehensibo at pangmatagalang solusyon, paglalatag ng pundasyon para sa isang credible political pathway na magtitiyak ng isang makatarungan at matatag na hinaharap para sa rehiyon, alinsunod sa internasyonal na batas.”
Nauna nang sinabi ng International Court of Justice sa advisory opinion nito noong Hulyo 19, 2024 na ilegal ang patuloy na pananakop ng Israel sa Palestinian territory. May obligasyon din ang Israel na wakasan na ito kaagad at magbayad ng danyos sa mga tao at entidad na napinsala nito.
“Bagamat ang kasunduang ito ay nagdudulot ng muling pag-asa, hindi natin dapat isawalang-bahala ang mas malalalim na isyu. Hindi dapat manaig ang kapayapaan kung saan patuloy ang kahirapan, pang-aapi, at hindi pagkakapantay-pantay,” wika ni Legarda.
“Dapat matiyak ng international community na lahat ng mamamayan ay may karapatang pantao at dignidad.”