Binigyang-diin ni Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino ang kahalagahan ng pagkakaroon ng provincial evacuation centers sa panahon ng sakuna.
Sa gitna ng pananalasa ng Bagyong Kristine sa Bicol, inihayag ni Tolentino na “mahalaga ang pagkakaroon ng provincial evacuation centers para mabigyan ang mga lokal na pamahalaan at rescuers ng karagdagang opsyon kung saan ligtas na madadala ang mga apektadong residente.”
Sa panayam ng senador sa programang ‘Usapang Tol’ kay Gremil Alexis Naz, information officer ng Office of Civil Defense (OCD) sa Bicol, iniulat nito kay Tolentino na aktibong nagagamit ang provincial evacuation centers ng rehiyon sa rescue at relief operations.
Itinuturing ang Bicol bilang isa sa pinaka-‘disaster prone’ na rehiyon ng bansa, dahil sa lokasyon nito na madalas daanan ng mga bagyo, gayundin sa presensya ng mga aktibong bulkan.
Kung kaya sa taunang badyet mula noong taong 2022 ay tinulak ni Tolentino ang konstruksyon ng provincial evacuation centers sa Camarines Norte (Vinzons), Camarines Sur (Pamplona), Sorsogon (Juban), Masbate (Pio V. Corpuz), at Catanduanes (Bagamanoc).
Dumaranas ng pinakamalubhang pagbaha ang rehiyon sa loob ng maraming taon matapos ang tuluy-tuloy na pag-ulan mula noong Martes dulot ni Kristine.
Nang tanungin ni Tolentino kung kailan posibleng masimulan ang relief operations, sinabi ni Naz na ito’y depende kung gaano kabilis huhupa ang pag-ulan at mga baha, para muling madaanan ang mga kalsada at tulay patungo sa mga apektadong komunidad.
“Maraming gustong tumulong, at hinihikayat ko rin ang mga grupo at indibidwal na nais magpaabot ng tulong na nakipag-ugnayan sa mga ahensya ng ating pamahalaan para mapabilis ang relief operations para sa mga kababayan natin sa Bicol,” pahayag ng senador.