Back with a bang!
Ganito ang pagbabalik ni Olympian skateboarder at Asian Games gold medalist Margielyn Didal nang pagreynahan ang katatapos lang na Red Bull Buenos Aires Conquest Women’s Championship.
Tagumpay ang pagbabalik ni Didal mula sa injury sa kaliwang bukung-bukong simula noong 2022 na nag-sideline sa kanya sa international competitions.
Gold medalist sa 2018 Asian Games, si Didal ay nagsimula bilang street skater sa edad 12 sa Concave Park sa Cebu.
Sa tulong ng kanyang coach na si Daniel Bautista, mas nahasa siya at nagsimulang sumali sa mga lokal na kompetisyon.
Taong 2018 naman nang sumali siya sa X Games kung saan gumawa siya ng pangalan at sa parehong taon ay naibulsa ang gintong medalya sa Asian Games sa Jakarta, Indonesia.
December 2019 naman nang hablutin niya ang isa pang ginto sa Southeast Asian Games, at pumangatlo sa Tampa Women’s Open noong 2020.
Mas nakilala si Didal bilang mukha ng women’s skateboarding nang magpartisipa siya sa Tokyo Olympics kung saan pinahanga niya ang lahat sa kanyang sportsmanship kahit nabigo siyang mag-podium finish.
“Ang skateboarding ay kapareho ng buhay; kahit ilang beses kang mabigo, bumabangon ka pa rin at ipagpapatuloy ko ito sa buong buhay ko,” katwiran niya.
Hindi nagtagal binuksan ni Didal ang sarili niyang skatepark sa Soul Sierra sa Cebu City para magamit ng Philippine National Skateboarding Team na kinaaaniban niya at iba pang nangangarap mag-compete sa world stage.