Nagdesisyon ang Korte Suprema na ang mga hindi awtorisadong istruktura sa pampublikong lupa, kabilang ang mga videoke machine, sari-sari store, billiard table, karinderya, at iba pang negosyo sa mga dalampasigan, ay maaaring gibain dahil sa pagiging istorbo sa publiko o public nuisance.
Sa Desisyon na isinulat ni Associate Justice Amy C. Lazaro-Javier, kinatigan ng Second Division ng Korte Suprema ang utos ng Court of Appeals (CA) na gibain ang mga iligal na istruktura sa kahabaan ng Matabungkay Beach sa Lian, Batangas. Ang mga istruktura ay itinayo nang walang permit mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Ang mga may-ari ng Villa Alexandra Beach Resort and Restaurant sa Matabungkay Beach (mga may-ari ng resort) ay nagsampa ng kaso laban kina Pablo Calimlim at Patnubay Isla Calimlim (Calimlim) na nag-operate ng mga impormal na istruktura sa tabi ng dalampasigan sa loob ng mahigit 50 taon. Sinabi ng mga may-ari ng resort na ang mga istruktura ay itinayo nang walang kinakailangang mga permit at nakaantala ng kanilang negosyo at nakaabala sa mga bisita dahilan para sa kanilang pagkalugi.
Nagdesisyon ang Regional Trial Court pabor sa mga Calimlim at sinabing nabigo ang mga may-ari ng resort na patunayan na ang mga istruktura ay nagdulot ng pinsala sa kanilang ari-arian o pagkawala ng kita.
Pero idineklara ng CA na iligal ang mga istruktura na maituturing na isang public nuisance. Ipinag-utos nito ang demolisyon ng mga istruktura at pinagbabayad din ang mga Calimlim ng danyos sa mga may-ari ng resort.
Sa ilalim ng Artikulo 694 ng Civil Code, ang nuisance o istorbo ay anumang gawain, pagkukulang, pagtatatag, negosyo, o kundisyon na: (1) nakapipinsala sa kalusugan o kaligtasan ng mga tao; (2) nakaiinis o nakasasakit ng damdamin; o (3) nakabibigla o lumalabag sa kagandahang-asal o moralidad; (4) hinaharangan ang mga pampublikong kalsada o daluyan ng tubig; o (5) nakasasagabal sa paggamit ng ari-arian. Ang isang istorbo ay itinuturing na pampubliko kapag ito ay nakaaapekto sa mga tao o nakasasagabal sa isang karapatang pampubliko sa pamamagitan ng direktang pagpasok sa pampublikong ari-arian o nagdudulot ng isang karaniwang pinsala.
Sumang-ayon ang Korte Suprema sa CA sa pagsasabing ang mga istruktura ay itinayo sa pampublikong foreshore na lupain nang walang lease agreement o kasunduan sa pag-upa mula sa DENR.
Ayon sa DENR Administrative Order No. 2004-24, kaugnay ng Public Land Act o Commonwealth Act No. 141, ang mga foreshore land ay maaari lang ipa-renta sa pamamagitan ng isang kasunduan kasama ang DENR. Ang aplikasyon ng pagpapaupa ng mga Calimlim ay tinanggihan ng DENR. Kinilala ng DENR ang illegal occupancy na ito at naglabas din ng Notice to Vacate pero hindi ito pinansin ng mga Calimlim.
Sinabi ng Korte Suprema na ang pagharang at hindi awtorisadong pag-okupa at paggamit ng foreshore land ay katumbas ng isang public nuisance. Dagdag pa nito, ang mga istruktura ay nakapipinsala sa resort at sa mga bisita nito. Ang kanilang open-fire kitchen ay nagdulot rin ng panganib ng sunog sa resort at sa mga bisita nito. Bukod pa rito, ang kawalan ng permit sa gusali ay nagdulot ng mga alalahanin tungkol sa integridad ng istruktura ng gusali.