Neri Naig malaya na

Kinumpirma ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) pinawalan nila ang actress-businesswoman-vlogger na si Neri Naig-Miranda, 6 p.m. nitong Miyerkoles.

Ayon sa “24 Oras,” ipinagutos ng korte ang pagpapalaya sa misis ni Parokya ni Edgar frontman Chito Miranda. Si Neri ay ikinulong makaraang silbihan ng warrant of arrest ngunit kinalaunan ay dinala sa ospital “for medical evaluation.”

Inaresto ang aktres November 23 kaugnay sa mga kasong syndicated estafa at violation of the Securities Regulation Code.

Agad nag-file ng motion to quash ang legal team ni Neri matapos ang warrant of arrest. Depensa ng kampo niya, hindi na-notify ang aktres sa allegations laban sa kanya.

Pinaboran ng Pasay City Regional Trial Court ang motion at ipinag-utos ang pagpapalaya sa asawa ni Chito, at inatasan ang Office of the Prosecutor na masusing imbestigahan ang kaso.

Base sa report ni Jun Veneracion ng “24 Oras,” si Neri ay inisyuhan ng subpoena ng prosecutor’s office ngunit naipadala sa maling address.

“The lack of proper notice to accused Miranda in flagrant violation of her constitutional right to due process of law invalidates the preliminary investigation conducted by the OCP-Pasay City,” ayon sa court.

Hindi naman tinanggap ng korte ang “motion to withdraw information of the case” ng abogado ng aktres.

“The facts remain na ganun pa rin naman ‘yung kaso. Kaya po nindi ninullify ng judge ‘yung information na kanyang binigay base po doon sa resolution ng piskal,” saad ni Atty. Roberto Labe, legal counsel ng complainants.

Samantala, nagpasalamat ang kampo ni Neri sa naging desisyon ng korte at nagpahayag ng pag-asang malilinis ang kanyang pangalan sa reinvestigation.

“We appreciate the Court’s decision, which underscores Neri’s constitutional right to due process. The reinvestigation will provide an opportunity for Neri to respond to the allegations against her,” pahayag ng legal counsel niya na si Atty. Aureli Sinsuat.

Iginigiit ng kampo ng aktres, endorser at franchisee lang siya ng Dermacare – Beyond Skin Care Solutions, nahaharap din sa violation of the Securities Regulation Code.

September 2023 nang nagpalabas ng advisory ang Securities and Exchange Commission laban sa nasabing kompanya dahil ito ay “not authorized to solicit investments” at “no license to sell securities.” Nagbabala pa ang commission na maaaring makasuhan ang salesmen, brokers, dealers, agents, promoters, influencers, at endorsers ng Dermacare.

September 2023 din nang inanunsyo sa social media ni Neri na hindi na siya konektado sa Dermacare.