Panukala ni Padilla, lilikha ng Basulta Autonomous Region

Naghain ng panukalang batas si Sen. Robin Padilla para lumikha ng bagong autonomous region para sa mamamayan ng Sulu, matapos ang pag-alis nito sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ihinain ni Padilla nitong Martes ang Senate Bill No. 2879, na magtatayo ng Basulta Autonomous Region. Sakop ng pinapanukalang autonomous region ang probinsya ng Sulu, Basilan, at Tawi-Tawi.

“To further promote political stability and economic development in the Sulu archipelago, this bill aims to create an effective political entity, provide for its basic structure of government in recognition of the cause of the people of Sulu, and that of the people of the provinces of Basilan and Tawi-tawi,” ani Padilla sa kanyang panukala.

Dagdag ng mambabatas, layunin ng Basulta Autonomous Region na tugunan ang mga pangangailangan ng mga probinsyang ito, lalo na sa paghahatid ng pangunahing serbisyo.

Layunin din ng panukala na tiyakin ang epektibong pamamalakad ng pamahalaan at pagrespeto sa kultura at tradisyon, aniya.

Bahagi ng BARMM ang Sulu, Basilan at Tawi-Tawi. Sakop din ng BARMM ang Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, at Lanao del Sur.

Nguni’t sa desisyon ng Korte Suprema noong Setyembre 9, 2024, hindi na kasali ang Sulu sa BARMM matapos tumanggi ang residente nito ang pagraratipika sa Bangsamoro Organic Law.

Sa ilalim ng panukala ni Padilla, sakop ng Basulta autonomus region ang mga siyudad at probinsyang boboto para sa ratipikasyon ng organic act nito sa Basilan, Sulu at Tawi-Tawi.

Bibigyan ng pambansang pamahalaan ang autonomous region ng “proportionate and equitable share” sa taunang budget at foreign-assisted projects.

Magkakaroon ang panukalang autonomous region ng sariling Regional Assembly.

Nasa panukalang batas din ang pantay-pantay na pamamahagi sa pagsaliksik, pagbuo at paggamit ng natural resources sa Basulta. Maaaring co-managed ng national government at ng Basulta ang natural resources na uranium at fossil fuels.

Titiyakin din ng panukalang batas ang hindi bababa sa limang porsyento ng net revenue ng natural resources para sa indigenous cultural communities at indigenous peoples – kabilang ang natural gas projects sa mga teritoryong sakop ng native, traditional o customary title.

Ang sistema ng hustisya sa Basulta autonomous region ay sasang-ayon sa Saligang Batas, Shari’ah, tradisyonal na batas, at magkakaugnay na batas.