Inaprubahan ng Senado sa pangatlo at panghuling pagdinig ang Konektadong Pinoy Bill, isang panukalang batas na inakda at isinulong ni Senador Alan Peter Cayetano upang matiyak ang pagkakaroon ng maaasahan, abot-kaya, at murang internet connection sa buong bansa.
Nakatanggap ng malawak na suporta ang panukalang batas: 17 na senador ang bumoto pabor, walang tumutol, at walang nag-abstain sa plenary session nitong February 5, 2025.
Pinasalamatan nina Senador Grace Poe, Joel Villanueva, at Majority Leader Francis Tolentino si Cayetano, na chairperson ng Senate Committee on Science and Technology, sa kanyang pamumuno sa pagpasa ng makabuluhang panukalang batas.
Noong nakaraang araw, pinaalalahanan ni Cayetano ang Senado sa kahalagahan ng paghahanay ng Konektadong Pinoy Bill (Senate Bill No. 2699) sa iba’t ibang batas na may kaugnayan sa Information and Communication Technology (ICT) upang matiyak ang mas mabilis at abot-kayang internet sa bansa.
“We won’t take the Konektadong Pinoy Bill in isolation because there’s the [need to also implement the] E-Governance Act, Creation of the Department of Information and Communications Technology (DICT), other ICT bills, and the masterplan for the country’s digital highway,” sabi ni Cayetano habang dinidinig ang panukala sa period of amendments.
“Kasi kahit anong gaganda ng plano mo for ICT, kung di ka rin connected, wala ring mangyayari,” paliwanag niya, habang binigyang diin na pagtitibaying ito sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng panukalang batas.
Tugon ito ni Cayetano sa mga iminungkahing amyenda nina Tolentino at Senator Juan Miguel Zubiri na isama ang isang probisyon na nag-aatas sa National Telecommunications Commission (NTC) na tiyakin na ang Data Transmission Industry Participants (DTIPs) ay makapagbibigay ng walang patid na serbisyo sa mga ahensya at institusyon sa panahon ng kalamidad.
Malugod na tinanggap ng senador ang mga amyenda at binigyang diin ang kahalagahan ng pagtiyak ng internet coverage sa bawat lugar at isla sa bansa.
Sabay na inihain ng Senate Committee on Science and Technology, Public Services, at Finance noong May 22, 2024 ang Konektadong Pinoy Bill na may pangunahing layunin na gawing mas madali para sa mga service provider na makapasok sa merkado, magsulong ng kompetisyon, at mag-alok sa mga mamimili ng mas marami at mas abot-kayang serbisyo sa internet.
Layunin din ng panukalang batas na ang mga papasok na service provider ay makagagamit ng mga imprastraktura ng telekomunikasyon at nagtatakda ito ng mga pamantayan upang protektahan ang mga gagamit ng serbisyo.
Itinataguyod naman ang mga karapatan ng mga konsyumer sa pamamagitan ng pagtiyak ng kalidad ng serbisyo, at kinakailangan na rin na matugunan ng mga service provider ang maayos na pamantayan ng serbisyo.
Ang iba pang iminungkahing pag-amyenda sa Konektadong Pinoy Act na tinanggap ni Cayetano ay mga probisyon na unahin ang pag-install ng imprastraktura sa mga lugar na malapit sa mga eskwelahan, at pag-alok sa mga mag-aaral sa mga pampubliko at pribadong paaralan ng naaangkop na mga diskwento bilang bahagi ng corporate social responsibility ng mga DTIP.
“We honor these concepts to provide connectivity to those who need it the most. If all of these different laws work, we hope to have free WiFi in the schools to help the students,” wika ni Cayetano. (Litrato mula sa https://www.gettingsmart.com/)