Sasabak ang Philippine Under-20 water polo team sa 65th MILO-DSA-PRM Malaysia Open Water Polo Championships nakatakda sa October 4-6 sa National Aquatic Center, Kuala Lumpur.
Binubuo ang team ng young at competitive swimmers mula sa nakaraang national tryout na sina Elijah Caleb De Leon, Lance Edrick Adalin, Lance Jacon Bautista, Matthew Cameron Dasig, Niklas Joaquin De Guzman, Kenzzie Trey Dumanglas, Alexandre Gabriel Establecida, Aishel Cid Evangelista, Julian Christi Malubag, Joaquin Federico Mirasol, Miel Joaquin Ugaban, Hugo Victor Lopez, Carl Malbas at Reynaldo Theodore Espineli.
“Ito ang unang international exposure para sa team. Bata pa sila ngunit puno ng potensyal. Ang torneo na ito ay bahagi rin ng kanilang paghahanda para sa Southeast Asian Age Group Championship sa Disyembre sa Bangkok, Thailand,” pahayag ni Philippine Aquatics, Inc. (PAI) Secretary-General at Batangas 1st District Congressman Eric Buhain.
Ngayong Miyerkoles ang lipad ng national squad kasama sina coach Sherwin Dela Paz, Teodore Roy Canete, Roi Dela Cruz at referee Tani Gomez.
Maiiwan si Serbian coach Filip Stojanovic dahil ang kanyang appointment bilang team consultant/coach ay naaprubahan lamang ng Philippine Sports Commission (PSC) noong nakaraang linggo.
“For almost three months, kasama na siya (Stojanovic) sa training ng team. Libre lang yung service for that period dahil gusto niya talagang maturuan ang mga bata. Inirekomenda agad ng PAI sa PSC ang coaching services ni Stojanovic at noong nakaraang linggo ay naprubahan na,” esplika ni PAI Executive Director Anthony Reyes.
Si Stojanovic, kasal sa isang Pinay na nakabase sa Iloilo City, ay miyembro ng Serbian national team nanalo ng 18 gintong medalya sa international competitions mula 1998 hanggang 2010.