Malalaman ngayong Martes (December 3) kung mapananatili ng PLDT ang perpektong kartada (3-0) laban sa Chery Tiggo (2-1) ganap na alas-4 ng hapon sa Araneta Coliseum.
Ganito rin ang senaryo sa Creamline (2-0) sa pagharap sa sister team nitong Choco Mucho (2-2) sa main game sa alas-6:30 ng gabi.
Samantala, inilabas ni Heather Guino-o ang pinakamahusay niyang laro upang giyahan ang Capital1 Solar Spikers sa unang panalo nang pasukuin ang NxLED Chameleon (21-25, 25-21, 25-15, 25-18) sa Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference sa PhilSports Arena.
Itinala ni Guino-o ang kabuuang 21 puntos mula sa 19 attack at 2 blocks upang putulin ang tatlong sunod na kabiguan at ibigay sa Capital1 ang inaasam na panalo sa loob ng apat na laro (1-3).
“Sobrang saya kasi po naipakita namin kung ano ang pinaghirahapan namin. Hanggang dulo po ay hindi kami sumuko. Mas paghihirapan pa po namin ang bawat laro para makakuha po kami ng panalo,” ani Guino-o.
Hindi binitiwan ng Solar Spikers ang importanteng fourth set at tuluyang pinagkaitan ang Chameleons na bigo pa rin hanggang ngayon (0-4).
Ibinuhos ng Capital1 ang 14-5 atake sa pangatlong set upang ipagpatuloy ang mainit na paglalaro sa ikalawang set kung saan nagtulungan sina setter Iris Tolenada, Heather Gui-noo, Patty Orendain at No.2 overall rookie pick Leila Jane Cruz tungo sa paghablot ng 2-1 set abante.
Ginulantang ang Solar Spikers ng Chameleons sa unang set ngunit agad gumanti ang Capital1 sa sumunod na yugto, at pagkatapos nito ay hindi na hinayaang makahabol ang NxLED.